‘Nakaalay sa Dakilang Diyos na si Jehova Magpakailanman’
NOONG Abril 1935, isang tanyag na ministro at tagapagpahayag na Amerikano ang dumalaw sa Hawaii. Dito’y pantanging interesado ang mga Saksi ni Jehova, na noon ay 12 lamang, yamang ang kilalang panauhing ito ay si Joseph F. Rutherford, ang pangalawang pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society. Ang pahayag na “Sino ang Magpupuno sa Daigdig?” ay tumalakay sa dumarating na pandaigdig na pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Iyon ay ginanap sa isang lokal na high school awditoryum at binigyan ng malaganap na publisidad.
Ang pangalan ng Diyos at ang kaniyang Kaharian ang tema ng pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sapol nang sila’y magsimula sa modernong panahon. Kaya naman interesado ang lahat ng nagpapahalaga at gumagamit sa personal na pangalan ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, na Jehova, na ang katumbas nito sa Hawayano, na Iehova, ay palasak na gamitin ng mga sinaunang mananambang Hawayano. Isa sa mga unang simbahan na itinayo ng mga ministro ng Sangkakristiyanuhan sa Hawaii, ang simbahang bato sa Kawaiahao sa Honolulu, ay napalatag noong 1839 ang batong panulok. Nakasulat sa inialay na batong ito ang mga salitang: “Kay Iehova na aming Diyos magpakailan-kailanman.”
Sapol noong 1935, nang dumalaw si Judge Rutherford, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Hawaii ay lumago mula sa 12 lamang aktibong mga Saksi hanggang sa mahigit na 5,400 ngayon. Sila ay tunay na ‘nakaalay sa dakilang Diyos na si Jehova magpakailanman.’