Naging Pantas Dahil sa “Pagbabayad ng Multa”
ANG Kawikaan 21:11 ay nagsasabi: “Dahil sa pagbabayad ng multa ng manlilibak ang musmos ay nagiging pantas; at pagka ang taong pantas ay tinuruan mo siya’y tumatanggap ng kaalaman.”
Ang “musmos” ay malimit na nahihirapang makaunawa kung bakit ang isang landasin ng pagkilos ay mali. Subalit, balang araw, baka makakita siya ng isang “manlilibak”—isang taong nanunuya ng mga simulain ng Salita ng Diyos—na nasisilo sa kaniyang kabalakyutan at dumaranas ng “kadalamhatian at kahirapan.” (Kawikaan 1:27) Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang nararapat na ‘parusa’ (King James Version), o sa literal “isang multa,” ang ipinapataw sa nagkasala.—Ihambing ang Exodo 21:22; Deuteronomio 22:19.
Ano ang epekto sa musmos? Sa wakas pagka nakita niya ang ganti sa gumagawa ng masama, siya’y maaaring ‘maging pantas’ at ipasiya niya na huwag tumulad sa gayong landasin. (Ihambing ang Kawikaan 19:25) May kaibahan naman, ang “taong pantas” ay may kabatiran na dahil sa nakaraang karanasan, pagmamasid, at kaalaman sa mga simulain ng Bibliya na ang ganoo’t ganitong landasin ng paggawi ay hindi mabuti o nakapagpapahamak. Hindi naman laging kailangan niya na makita ang kapahamakan na dulot ng isang gawa upang makumbinsi siya na iyon ay mali. Sa ganoo’y makapagtatamo siya ng bagong ‘kaalaman’ sa pamamagitan lamang ng turo, imbis na mapait na karanasan.