Isang Pagmamasid sa Gresya
Ang pinakaunang alam ng mga nanirahan sa Gresya ay tinatawag na mga lonian. May paniwala na ang pangalang ito ay galing sa kanilang ninunong si Javan (Hebreo, Ya·wanʹ), isang anak ni Jafet at samakatuwid isang apo ni Noe. (Genesis 10:1, 2) Sa kasulatang Griyegong Kristiyano ng Bibliya, ang Gresya ay tinatawag na Hel·lasʹ. Ito’y isang lupaing baku-bako at mabato, at may ilang kabundukang may malalawak na kakahuyan. Noong sinaunang panahon ang mga Griyego ay naging bihasang mga mandaragat.
Ang sinaunang mga Griyego ay maraming mga diyos, na ayon sa paglalarawan ay may anyong tao at nakabibighaning kagandahan. Ayon sa palagay ang mga diyos na ito ay kumakain, umiinom at natutulog; at bagaman sila’y itinuturing na banal at walang kamatayan, sila rin naman ay nanghahalay at nanggagahasa at gumagawa ng pandaraya at ng krimen. Ang ganyang mga alamat ay marahil binaluktot ng mga alaala noong panahon bago sumapit ang Baha nang ang anghel na mga anak ng Diyos ay buong paghihimagsik na bumaba rito sa lupa, nakilaguyo sa mga babae, nagkaanak ng mga makapangyarihang lalaki na tinatawag na mga Nefilim, at kanilang pinuno ang lupa ng karahasan.—Genesis 6:1-8, 13.
Noong ikaapat na siglo B.C.E., si Felipe ng Macedon, ama ni Alejandrong Dakila, ay umayon ng pagsisikap na pagkaisa-isahin ang dating nagsasariling mga estadong-siyudad na Griyego, at isinailalim ang mga ito ng kapangyarihan ng Macedonia. Noong ikalawang siglo B.C.E., ang Gresya ay naging isang lalawigang Romano, at ang kulturang Griyego ay lumaganap sa Roma.
Ang malaganap na paggamit sa Griyegong koi·neʹ ay nakatulong sa mabilis na paglaganap ng mabuting balitang Kristiyano sa buong rihiyon ng Mediteraneo.
Si apostol Pablo ay dumalaw sa Macedonia at Gresya noong kaniyang ginaganap ang kaniyang pangalawa at pangatlong paglalakbay misyonero. Siya’y nagtatag ng mga kongregasyong Kristiyano sa Filipos, Tesalonica, Corinto, at Berea. Sina Silas, Timoteo, Tito, at iba pang mga Kristiyano noong una ay nangagturo rin naman dito. Sa ngayon, sa Gresya ay mayroong mahigit na 320 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at mahigit na 23,000 mga tagapagbalita ng Kaharian ng Diyos.