Nasa Alanganin ang mga Katoliko
ANG Iglesiya Katolika ay kasalukuyang nakaharap sa dalawang suliraning may kaugnayan sa Diyablo. Sa isang panig, ito’y ang pagbaka sa isang kahiligan ng mga Katoliko sa panahong ito na magduda sa pag-iral ng Diyablo. Sa kabilang panig, iyon ay may kinalaman sa sigalbo ng di-opisyal na exorsismo, o pagpapalabas ng masasamang espiritu.
Ipinagunita ni Papa John Paul II sa mga kabataang Katoliko na dapat nilang pakadibdibin ang Diyablo. Sa isang liham, siya’y sumulat: “Hindi ninyo dapat katakutang tawagin sa kaniyang pangalan ang unang gumawa ng masama: Ang masamang Isa. Kaniyang ginamit at patuloy na ginagamit ang taktika ng hindi pagsisiwalat ng kaniyang sarili.”
Gayundin naman, si cardinal Joseph Ratzinger, prefecto ng Sagradong Kongregasyon ukol sa Doktrina ng Pananampalataya, sa Roma, ay nagsabi: “Anuman ang sabihin ng di-gaanong nakauunawang mga teologo, ang Diyablo, kung tungkol sa paniniwalang Kristiyano, ay isang palaisipan ngunit tunay, personal at hindi lamang simboliko ang presensiya. Siya ay isang makapangyarihang tunay na persona.”
Si cardinal Ratzinger ay nagpahayag din ng malaking pagkabahala tungkol sa di-autorisadong mga pulong may kaugnayan kay Satanas at ginaganap ng mga Katoliko sa maraming bansa. Sa isang liham na may petsang Setyembre 29, 1985, at padala sa lahat ng mga obispong Katoliko sa buong daigdig, siya’y sumulat: “Sa loob ng marami nang taon, sa ilang mga lipunan ng simbahan, parami nang paraming mga pagtitipon sa pagdarasal ang ginaganap upang mapalaya ang mga tao buhat sa impluwensiya ng demonyo.” Kaniyang ipinagunita sa mga obispo na sang-ayon sa batas ng simbahan, hindi maaaring magdaos ng gayong mga pagtitipon kung walang hayagang pahintulot ang lokal na obispo at na ang gayong pahintulot ay dapat na sa mga pari lamang ibigay. Walang lego ang may karapatang bigkasin ang pormula ng “exorcist laban kay Satanas at sa mga nagkasalang anghel.”
Ang pahayagang Pranses na Le Figaro ay nag-ulat: “Ang ‘biglang pagdami’ ng exorcismo at ng mga aktibidades na anti-Satanas ay sumigalbo nang hayagan noong nakalipas na mga ilang buwan sa Italya, lalung-lalo na sa Turin, na kung saan si cardinal Anastacio Ballestrero ay kahihirang lamang ng anim na mga bagong exorcist.” Upang ang bagay na ito’y bigyan ng pambuong daigdig na pagbabalita, ang pahayagang International Herald Tribune ng Paris ay sumulat: “Ang interes sa posibleng presensiya ni Satanas sa Turin ay bahagi lamang ng isang lalong malawak na talakayan sa loob ng Iglesiya Katolika Romana tungkol sa personipikasyon ng kasamaan na tinutukoy sa sari-saring paraan sa Kasulatan at sa turo ng simbahan bilang ‘ang prinsipe ng sanlibutang ito,’ ‘ang kapangyarihan ng kadiliman,’ ang ‘matandang ahas,’ ang ‘maninirang-puri.’”
Ang miyembro ng French Academy na si Jean Dutourd ay nagbigay ng mga ilang interesanteng komento tungkol sa mga pagdududa sa ngayon sa pag-iral ni Satanas—maging ng mga obispong Katoliko man. Siya’y sumulat sa pahayagang Pranses na L’Est-Républicain: “Ang paniniwala sa Diyos ay pinagkunutan ng noo sa mga araw na ito, subalit humigit-kumulang ito ay pinababayaan naman. Subalit, ang paniniwala sa Diyablo ay itinuturing na lubusang katawa-tawa. Ang kahit na lamang pagbanggit sa pangalang Satanas . . . ay kinatutuwaan ng mga taong matatalino, ng mga komersiyante, ng mga pulitiko, at gayundin, walang duda, ng marami-raming mga obispo. Ang kanilang katuwaan ay pinagtatakhan ko lalo dahil sa waring tayo’y binibigyan ng Diyablo ng partikular na atensiyon sapol noong 1914.”
Kung ang mga Katoliko, kasali na ang ilan sa mga klerigo, ay nangangailangang paalalahanan ng mga papa at ng mga iba pa na talagang umiiral si Satanas, hindi ba ito’y dahil sa ang simbahan sa loob ng kung ilang mga siglo ay naglagay ng higit na pagdiriin sa tradisyon, pilosopya, at di-napatutunayan pang siyentipikong mga teoriya kaysa sa Bibliya?
Ang pagbanggit sa itaas ng 1914 ay angkop nga. Ang taóng iyan ang ipinakikita ng hula ng Bibliya na pasimula ng “mga huling araw” na ang Diyablo bilang “ang pinuno ng sanlibutan,” ay gumagawa ng kaniyang ultimong huling pagsisikap na ipahamak ang lahat ng tao. (2 Timoteo 3:1; Juan 14:30) Gaya ng pagkasalin ng isang saling Katoliko ng Bibliya: “Dumarating ang kapahamakan—sapagkat ang diyablo ay bumaba sa inyo na mapusok sa galit, sa pagkaalam na siya’y may kaunti na lamang panahong natitira.” Makabubuti kung tatanggapin ng taimtim na mga Katoliko ang patotoo ng Bibliya. Bakit? Sapagkat ang mga kalagayan sa daigdig sa ngayon ay nagpapatunay na “ang kaharian ng Diyos ay malapit na.”—Apocalipsis 12:7-12; Lucas 21:25-31, The New Jerusalem Bible.
Yamang ipinangangako ng Kaharian na wawakasan ang lahat ng kalikuan at ang mga sanhi nito, ang pag-aalis sa Diyablo at sa kaniyang mga tagatangkilik ay napipinto na. Gayunman, tanging ang mga taong nakaaalam na umiiral ang Diyablo ang makapaninindigan laban sa kaniyang pamamahala at makaaasang sila’y maliligtas. Paano? Hindi sa pamamagitan ng exorcismo kundi, bagkus, gaya ng isinulat ni apostol Pablo, sa pamamagitan ng pagbibihis ng “buong kagayakang baluti buhat sa Diyos.” Oo, ang Salita ng Diyos ay malinaw: “Sumalansang kayo sa Diyablo, at siya’y tatakas sa inyo.”—Efeso 6:11-18; Santiago 4:7.
[Larawan sa pahina 26]
Ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay ibinulusok sa kapaligiran ng lupa.—Apocalipsis 12:9, 12
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Picture Book of Devils, Demons and Witchcraft/Ernst at Johanna Lehner/Dover