Ang Pinakamagaling na Tulong Para Maalaman ang Hinaharap
Isinulat ng Isa na Nakasumpong ng Daan Tungo sa Buhay
ANG relihiyon ay gumanap ng mahalagang bahagi sa buhay ng aking pamilya. Ang aking ama ay isang Judio, at bagaman siya’y nakumberte sa Katolisismo upang maging asawa ang aking ina, siya ay mayroon pa ring malaking paggalang sa Bibliya. Si Inay ay galing sa isang pamilya na lubhang malalim ang pagkakaugat sa mga tradisyong Katoliko—dalawa sa kaniyang mga kapatid na babae ang madre, isang pinsan ang monsignor, at dalawang pamangking lalaki ang mga prayle.
Noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang mga pagkabalisa, pangamba, at ang laging banta ng pagkadeporta sa isang concentration camp dahil sa pagiging isang Judio ang nagdala sa aking ama ng maagang kamatayan. Dahil sa matibay na paniniwala sa turo ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, ang aking ina ay nakibahagi sa mga sesyon ng espiritista, sa pagsisikap na makausap ang aking ama.
Nang ako’y sumapit na sa hustong edad, ang kinagisnan kong relihiyon ang patuloy na naging bahagi ng aking buhay. Ako’y nanatiling isang “mabuting Katoliko.” Gayunman, ang Katolisismo ay hindi makapagpaliwanag kung ano ang laan ng kinabukasan para sa akin. Kanino ba ako makahihingi ng tulong upang maalaman ko ito?
Gaya ng minsa’y ginawa ng aking ina, ako’y sumangguni na rin sa mga espiritistang medium. Yamang kanilang pinasisimulan ang bawat sesyon sa pamamagitan ng pag-aantanda ng krus at mga dasal, ako’y nakumbinsi na ang kakatuwang pangyayari na nasaksihan ko ay galing sa Diyos. Nang panahong ito, sa kagustuhan kong gumawa ng isang bagay upang maginhawahan ang iba sa kanilang mga kahirapan, ako’y sumali sa isang Katolikong asosasyon na nag-oorganisa ng mga paglalakbay para sa pagparoon sa santuwaryo ni Maria sa Lourdes, na kung saan ang mga maysakit ay umaasang sila’y makahimalang gagaling.
Hindi pa ako nakababalita ng anuman tungkol sa mga Saksi ni Jehova kundi nang araw na ang aking asawang lalaki’y tumanggap ng dalawang magasin na natuklasan kong lubhang kawili-wiling basahin. Ang lalong higit na hinangaan ko ay ang pagkasipi sa Bibliya bilang suporta sa mga paliwanag na nasa mga magasin. Kaagad na natalos kong ang mga lathalaing ito ay makatutulong nang malaki sa pagkakaroon ng kaalaman sa Salita ng Diyos. Ako’y sumulat at humingi ng isang suskripsiyon sa dalawang magasin. Ako’y dinalaw ng mga Saksi ni Jehova, at nagsimula na akong mag-aral ng Bibliya.
Ganiyan na lamang ang aking kasabikan tungkol sa mga katotohanan sa Bibliya na aking natututuhan at nagsimula na akong magsalita tungkol sa mga ito sa aking mga kakilala. Ako’y nabigla dahilan sa iginawi ng isa kong kaibigan, yaong nag-organisa ng mga relihiyosong mga pagliliwaliw, nang sabihin ko sa kaniya na sinusuri ko ang Bibliya sa tulong ng mga Saksi. Ang babaing ito’y galit na galit at nagsalita ng napakasasamang bagay tungkol sa mga ito kung kaya’t ako’y umalis na. Pagkatapos ay sinalansang naman ako ng aking asawang lalaki. (Mateo 10:36) Sa simula ay mahirap, ngunit mientras ginagawa ko ang mga bagay na aking natututuhan, lalo namang nababago ang aking buhay pampamilya at nagiging lalong mahusay. Ako’y nabautismuhan noong 1977.
Natalos ko na hindi ko kailanman masusumpungan ang daan na patungo sa buhay kung ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagpakita ng interes sa pamamagitan ng pagsisikap na tulungan ako upang makaalam ng kahanga-hangang mga katotohanan ng Bibliya. Batid ko na ako man ay obligado na gawin ang lahat ng magagawa ko upang tulungan ang iba na makakilala kay Jehova at makaalam ng kaniyang kahanga-hangang layunin para sa hinaharap. Papaano ko ba gagawin ito? Ang pinakamagaling na paraan ay ang lumahok sa buong-panahong ministeryo. Yamang ako’y nasa isang sambahayan na nababahagi sa relihiyon, ito ay hindi madali para sa akin. Subalit nagtiwala ako sa alalay at patnubay ni Jehova at nanganlong ako sa kaniya. Ngayon, ako’y namumuhay sa pinakamaligayang mga taon ng aking buhay bilang isang regular payunir. Higit kailanman ay kumbinsido ako na “si Jehova ay mabuti” at sinuman “na nanganganlong sa kaniya” ay maligaya.—Awit 34:8.