“Iyang Babaing si Jezebel”
“MAYROON akong laban sa iyo, na pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na nagpapanggap na propetisa, at siya’y nagtuturo at humihikayat sa aking mga alipin na makiapid at kumain ng mga bagay na inihain sa mga idolo.” (Apocalipsis 2:20) Ganiyan ang sabi ni Jesus sa mga Kristiyanong matatanda sa Tiatira. Ang kongregasyon ay aktibung-aktibo at nagpakita ng pag-ibig, pananampalataya, at pagtitiis. Ngunit pinayagan niyaon na umiral ang nagpapasamang impluwensiya ni Jezebel. Bakit? At ang gayon kaya ay maaari ring mangyari ngayon?—Apocalipsis 2:19.
Malamang, walang sinuman sa Tiatira ang aktuwal na nagngangalang Jezebel. Ginamit ni Jesus ang pangalang iyan upang ipaalaala sa atin ang sa kasaysaya’y si Reyna Jezebel, asawa ni Haring Ahab. Ang tusong babaing iyan ay lubusang nakaimpluwensiya sa masama sa bayan ng Diyos nang siya’y magpasok ng imoral na pagsamba kay Baal sa Israel, at nagsagawa ng desididong kampanya na pawiin doon ang tunay na pagsamba.—1 Hari 16:31-33; 21:1-7.
Ang Jezebel sa Tiatira—ito’y isang babae o dili kaya’y isang grupo ng mga babae—ay nanghimok din naman ng pagsasagawa ng imoralidad at idolatriya sa gitna ng bayan ng Diyos. Ang ilan sa kongregasyon ay nakinig sa kaniya, yamang si Jesus ay may tinutukoy na “kaniyang mga anak,” malamang na kaniyang mga tagasunod. (Apocalipsis 2:22, 23) Ang kaniyang impluwensiya ay nagbanta sa kongregasyon sa Tiatira na mahulog sa kalikuan gaya ng Israel nang kaarawan ni Ahab.
Bakit nga ba ang Jezebel ng Tiatira ay totoong maimpluwensiya? Kung ihahambing kay Jezebel noong una, may palagay ang iba na siya’y asawa ng pangunahing elder sa Tiatira. Subalit, hindi ganiyan ang sinasabi ng Bibliya. Malamang pa nga, dahil sa kaniyang nakaaakit na personalidad at sa bagay na siya’y nag-aangking isang propetisa ay napatanyag siya sa kongregasyon.
May mga nagsasabi na ang maling gawaing kaniyang itinataguyod ay may kinalaman sa samahan sa pangangalakal. Sang-ayon kay Dr. W. M. Ramsay, “mas maraming mga samahan sa pangangalakal sa Tiatira kaysa anumang ibang siyudad sa Asia.” Tungkol dito, sinasabi ng The Interpreter’s Dictionary of the Bible: “Bawat gayong samahan ay mayroong kaniyang patron na pinaka-diyos, kaniyang mga kapistahan, kaniyang sosyal na okasyon na kung minsan ay nauuwi sa imoral na pagkakatuwaan. Si ‘Jezebel’ ay maaaring nangangatuwiran na . . . ang mga pagkakatuwaang ito ay hindi dapat na kondenahin yamang bawat manggagawa, upang makakita ng ikabubuhay, ay kailangang umanib sa isang samahan.” Ang The Expositor’s Greek Testament ay sumasang-ayon dito, nagpapahiwatig na yaong mga tagasunod ni Jezebel ay “ipinagmamalaki ang kanilang sarili sa taglay nilang mulat na pagkaliberal.”
Sa katunayan, ang turo ni Jezebel sa Tiatira ay nahahawig sa “turo ni Balaam” sa Pergamo. (Apocalipsis 2:14) Ang kongregasyon sa Pergamo ay nagtiis ng maraming pag-uusig, ngunit ang ilan doon ay tumutulad kay Balaam noong sinaunang panahon sa pagtataguyod sa pakikiapid at idolatriya. Ipinahiwatig na sa Pergamo, dahil sa impluwensiya ni Balaam ay pinayagan ang pakikipagkompromiso upang maiwasan ang malupit na pag-uusig, samantalang sa Tiatira si Jezebel ay kunsintidor sa pakikipagkompromiso udyok ng mga kadahilanang pangkabuhayan. Alinman dito, ang kapuwa mga turong iyan ay nakamamatay na apostasya.
Maaari kayang umiral sa ngayon ang impluwensiya ni Jezebel—o Balaam? Oo, maaari. Maraming mga lider sa Sangkakristiyanuhan ang tumutulad kay Jezebel sa pagpayag na umiral sa kanilang mga kongregasyon ang aktibong homoseksuwalidad, pakikiapid, pangangalunya, aborsyon, at nahahawig na mga bagay na minamasama ng Diyos. Kahit na sa loob ng kongregasyong Kristiyano, ang mga ilan ay nagtaguyod ng “pagkaliberal” sa tunay na pagsamba, pinapayagan na ang mga Kristiyano’y huwag maging totoong istrikto sa pagsunod sa mga pamantayan ng Bibliya at nagtataguyod pa ng imoralidad.
Lahat ng ibig na makalugod kay Jehova ay dapat umiwas sa ganiyang mga ideya, kahit na kung ang mga iyan ay itinataguyod ng mga tao—mga lalaki man o mga babae—na may kaakit-akit o nakabibighaning mga personalidad. Ang ganitong kaisipan ay makamandag sa ngayon gaya rin noong unang siglo.—Apocalipsis 2:22, 23.