“Kami Ngayon ay May Sarili Nang Kingdom Hall”
MARAMI na ang nailathala tungkol sa dagliang itinayong mga Kingdom Hall sa mga bansang katulad baga ng Gran Britanya, Canada, at Estados Unidos. Gayunman, hindi gaanong kilala ang bagay na ang dagliang itinayong mga dako ng pagsamba para sa mga Saksi ni Jehova ay kung ilang mga dekada nang nagaganap sa tinatawag na mga bansang umuunlad.
Sa mga bansa sa Aprika ang lokal na mga Saksi ay kalimitang nagtatayo sa loob ng mga ilang linggo lamang ng pansamantalang mga pasilidad para sa mga pandistritong kombensiyon. Ang mga ito ay nagsilbing hindi lamang mga dako para sa mga pulong at silungan buhat sa matinding sikat ng araw sa tropiko kundi naging mga tirahan din ng mga delegado. Nakakatulad na mga karanasan ang masasabi tungkol sa Sentral Amerika.
Halimbawa, sa Guatemala City, Guatemala, isang donasyon na $200 ang ipinadala sa Vivibien Congregation ng mga Saksi ni Jehova. Nang isang lokal na Saksi ang nagbigay ng kapirasong lupa bilang donasyon sa isang lugar sa lalawigan, minabuti ng mga Saksi na gamitin ang loteng iyon para pagtayuan ng isang katamtamang bahay na magagamit para sa kanilang mga pagpupulong.
Kawayan ang ginamit bilang pinakadingding hanggang sa taas na uno punto singko metro; sa ibabaw niyan ay bukás at lampas-lampasan ang hangin. Minabuti nila na ang bahay ay magkaroon ng laking 4 metro por 6 metro. Nang ang lugar na iyon ay dalawin ng matatanda sa kongregasyon, sa kanilang pagtataka’y nakita nila sa harap ng lote ang maraming tumutubong kawayan, may taas na 6 na metro hanggang 9 na metro at ang diametro ay mula sa 8 sentimetro hanggang 13 sentimetro. ‘Bakit hindi itayo ito sa susunod na Sabado?’ sabi nila.
Nang sumunod na Miyerkules ng gabi, bumuo ng mga plano sa pagtatayo. Noong Huwebes ay isang kapatid ang bumili ng yerong galbanisado para sa bubong, isa ang bumili ng tabla, at isa pa ang bumili ng mga páko. Noong hapon ng Huwebes ang tabla ay pinagputul-putol na sa hustong laki, at kanilang sinimulang gawin ang A-frame-type na mga sepo na may iniabuloy na mga plantsang bakal. Noong Biyernes ng gabi ang mga sepo ay handa na.
Maaga noong Sabado, isang trak ang naghakot ng mga sepo at iba pang mga tabla, ng materyales para sa bubong, at ng mga páko upang dalhin sa binanggit na lugar. Apat na sasakyan ang humakot sa mga 50 lalaki, babae, at mga bata upang dalhin sa lugar na iyon. Noong alas-8:00 n.u. lahat ay naroroon na.
Bumutas sa matigas na bulkanikong batuhan upang pagtayuan ng mga haligi. Una rito, ang mga Saksi ay bumili sa may-ari ng kawayanan ng 50 punò ng kawayan na tig-12 cents bawat isa—lahat-lahat ay ginastusan ng $6. Mabilis, ang mga machete ang pumutol sa mga kawayan. Ang mga ito ay nilagari sa habang uno punto singko metro at biniyak sa gitna.
Samantalang ang mga sepo ay inilalagay sa kani-kaniyang lugar, ang iba naman ay nagpapako ng biniyak na kawayan na pinagkrus, ang kalahati’y sa labas at ang kalahati naman ay sa loob, upang ang kaakit-akit na kawayang binilog ay magsilbing adorno kapuwa sa dingding sa loob at gayundin sa labas. Ang isinunod ay ang paggawa sa bubong samantalang ang iba ay nagsimulang humakot ng bato at ng pantambak upang patagin ang sahig na tinambakan. Bago dumilim, ang 12-oras-nayaring bahay ay natapos, at ang mga kapatid ay nag-uwian sa kani-kanilang tahanan sa siyudad na taglay ang kagalakan.
Pagkatapos, mga dahon ng punong pino ang isinabog sa tinambakang sahig, at mga silyang de-tiklop at ilang mga bangkong kawayan na yari sa mga natirang kawayan ang dinala roon. Ngayon ang Kingdom Hall ay handa na para sa unang pulong.
Sa maraming bansa sa tropiko—sa Aprika, mga isla sa Pacifico at Caribbeano, Asia, Mexico, Sentral at Timog Amerika—na kung saan marahil isang milyong mga Saksi ni Jehova ang naninirahan, ang ganiyang simpleng mga bahay ay nagdulot ng kagalakan sa mga Saksi roon sapagkat masasabi nila: “Kami ngayon ay may sarili nang Kingdom Hall.”