Bakit Nagkakaiba ang mga Talaangkanan ni Jesu-Kristo Ayon kay Mateo at Ayon kay Lucas?
ANG pagkakaiba sa halos lahat ng mga pangalan sa ibinigay ni Lucas na talaangkanan ni Jesus kung ihahambing sa kay Mateo ay dagling nalulutas sa bagay na tinunton ni Lucas ang angkan sa pamamagitan ng anak ni David na si Nathan, sa halip na kay Solomon gaya ng ginawa ni Mateo. (Lucas 3:31; Mateo 1:6, 7) Maliwanag na ang sinunod ni Lucas ay ang angkang pinagmulan ni Maria, ipinakikita kung gayon na si Jesus ay natural na inapo ni David, samantalang ipinakikita naman ni Mateo ang legal na karapatan ni Jesus sa trono ni David sa pamamagitan ng inapo ni Solomon sa pamamagitan ni Jose, na legal na ama ni Jesus. Kapuwa si Mateo at si Lucas ay nagpapahiwatig na si Jose ay hindi siyang tunay na ama ni Jesus kundi kaniyang tagapag-ampon na ama, na nagbibigay sa kaniya ng legal na karapatan. Si Mateo ay humihiwalay sa istilong ginamit sa buong talaangkanan niya nang sumapit siya kay Jesus, na nagsasabi: “Naging anak ni Jacob si Jose na asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Jesus, na tinatawag na Kristo.” (Mateo 1:16) Pansinin na hindi niya sinasabing ‘naging anak ni Jose si Jesus’ kundi na siya ay “asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Jesus.” Si Lucas ay lalong mariin ang pagkasabi nang, pagkatapos na ipakita ng una pa na si Jesus ay tunay na Anak ng Diyos sa pamamagitan ni Maria (Lucas 1:32-35), kaniyang sinasabi: “Si Jesus . . . na ayon sa sapantaha, anak ni Jose, na anak ni Heli.”—Lucas 3:23.
Yamang si Jesus ay hindi siyang natural na anak ni Jose kundi siya ang Anak ng Diyos, ang talaangkanan ni Jesus ayon kay Lucas ay magpapatunay na siya, sa pamamagitan ng pagkasilang bilang tao, ay isang anak ni David sa pamamagitan ng kaniyang natural na inang si Maria. Tungkol sa mga talaangkanan ni Jesus ayon kay Mateo at ayon kay Lucas, si Frederic Louis Godet ay sumulat: “Ang pag-aaral na ito ng teksto sa detalye ay aakay sa atin sa paraang ito upang aminin—1. Na ang talaangkanang pagtatala ni Lucas ay galing kay Heli, ang lolo ni Jesus; 2. Na, ang kaugnayang ito ni Jesus sa pamamagitan ni Heli yamang tahasang salungat sa Kaniyang kaugnayan kay Jose, ang dokumentong kaniyang naingatan para sa atin ay maaaring walang anuman sa kaniyang pangmalas kaysa talaangkanan ni Jesus sa pamamagitan ni Maria. Subalit bakit hindi isinali ni Lucas ang pangalan ni Maria, at bakit karakaraka mula kay Jesus ay tutungo sa Kaniyang lolo? Noong sinaunang panahon, sa talaangkanan ay hindi uso na banggitin ang ina. Sa mga Griego ang isang lalaki ay anak ng kaniyang ama, hindi ng kaniyang ina; at sa mga Judio naman ang kasabihan ay: ‘Genus matris non vocatur genus [“Ang supling ng ina ay hindi tinatawag na (kaniyang) supling”]’ (ʹBaba bathra,ʹ 110, a).”—Commentary on Luke, 1981, p. 129.
Sa totoo ang bawat talaangkanan (ang tala ni Mateo at ni Lucas) ay nagpapakita ng pagiging inapo ni David, sa pamamagitan ni Solomon at sa pamamagitan ni Nathan. (Mateo 1:6; Lucas 3:31) Sa pagsusuri sa mga tala ni Mateo at ni Lucas, makikita natin na pagkatapos magkahiwa-hiwalay kay Solomon at kay Nathan, ang mga ito ay muling nagkakasama sa dalawang tao, si Shealtiel at si Zerubbabel. Ito’y maipaliliwanag sa ganitong paraan: Si Shealtiel ay anak ni Jeconias; marahil nang siya’y maging asawa ng anak na babae ni Neri siya ay naging manugang na lalaki ni Neri, sa gayo’y tinawag na “anak ni Neri.” Posible rin naman na si Neri ay walang mga anak na lalaki, kaya’t si Shealtiel ay ibinilang na kaniyang “anak” sa ganiyan ding dahilan. Si Zerubbabel, na malamang tunay na anak ni Pedaias, ay legal na ibinilang na anak ni Shealtiel, gaya ng binanggit na una pa.—Ihambing ang Mateo 1:12; Lucas 3:27; 1 Cronica 3:17-19.
Pagkatapos ang ulat ay nagpapakita na si Zerubbabel ay nagkaroon ng dalawang anak na lalaki, si Rhesa at si Abiud, ang mga angkan ay muling naghihiwalay sa puntong ito. (Ang mga ito ay maaaring, hindi tunay na mga anak, kundi mga inapo, o isang, humigit-kumulang, naging manugang na lalaki. Ihambing ang 1 Cronica 3:19.) (Lucas 3:27; Mateo 1:13) Kapuwa ayon kay Mateo at ayon kay Lucas ang mga talaangkanan ni Jesus ay may pagkakaiba na rito kaysa masusumpungan sa 1 Cronica kabanata 3. Ito’y maaaring dahilan sa may mga pangalan na sadyang hindi isinali ni Mateo at posible rin naman ni Lucas. Subalit dapat tandaan na ang gayong pagkakaiba sa talaangkanan ayon kay Mateo at ayon kay Lucas ay malamang na yaong naroroon na sa nakatalang talaangkanan na ginagamit noon at lubusang tinatanggap ng mga Judio at hindi mga pagbabagong ginawa ni Mateo at ni Lucas.
Samakatuwid, tayo’y makapanghihinuha na ang dalawang tala ayon kay Mateo at ayon kay Lucas ay nagkakatnig ng dalawang katotohanan, samakatuwid nga, (1) na si Jesus ang tunay na Anak ng Diyos at ang natural na tagapagmana ng Kaharian dahil sa kahima-himalang pagsilang sa pamamagitan ng birheng si Maria, ng angkan ni David, at (2) na si Jesus ay siya ring legal na tagapagmana buhat sa mga lalaking nasa angkan na nagmula kay David at kay Solomon sa pamamagitan ng kaniyang tagapag-ampong ama na si Jose. (Lucas 1:32, 35; Roma 1:1-4) Kung mayroong anumang paratang ang namumuhing mga Judio na si Jesus ay di-legal na anak, palibhasa batid ni Jose ang kahihinatnan, ang pagpapakasal niya kay Maria at pagbibigay niya ng proteksiyon na dulot ng mabuting pangalan at makaharing talaangkanan niya (ni Jose) ay nagbubuwal sa gayong paninirang-puri.