Pulitika—Bahagi ba ng Utos Tungkol sa Ebanghelyo?
SANG-AYON kay Joachim Meisner, arsobispo ng Cologne at dating prominenteng klerigo ng Silangang Alemanya, “isang erehiya na ang pulitika’y tawaging marumi, isang negosyo na nagpaparumi sa kamay ng isa.” Sa isang panayam noong 1989, sinabi niya: “Ang pulitika ay isang katotohanan ng buhay at samakatuwid isang bahagi ng utos sa atin tungkol sa ebanghelyo. Kailangang harapin natin ang hamon. Sa isang positibong paraan, tayo’y kailangang makasalingit sa bawat makapulitikang institusyon, mula sa mga unyon ng mga manggagawa at mga asosasyon hanggang sa mga partido pulitika, na lumilikha sa mga kilusan at mga partidong ito ng isang pundasyon ng elementong Kristiyano na maaaring pagmulan ng indibiduwal na mangunguna sa pagtataguyod ng pulitika sa Alemanya at Europa.”
Ang sumusunod na mga halaw sa Frankfurter Allgemeine Zeitung, isang pangunahing pahayagang Aleman, ay nagpapakita na maraming klerigo sa Europa—kapuwa Katoliko at Protestante—ang may paniwala na kagaya ng kay Meisner.
“Anim na araw lamang pagkatapos na siya’y maihalal [Oktubre 1978], siya [ang papa] ay nagpahayag na bilang isang taga-Silangang Europa wala siyang intensiyon na tanggapin ang kasalukuyang kalagayan sa Europa. . . . Ipinalagay ng iba na iyon ay isang sermon, ngunit iyon ay isang programang pulitikal.”—Nobyembre 1989.
“Sa mga ilang lugar [sa Czechoslovakia] ang simbahan ay lubhang pinahahalagahan bilang isang payunir sa panggugulo. Mga estudyante sa seminaryo sa pagpapari sa Litomĕr̆ice, isang bayang may katedral sa hilagang Bohemia, . . . ang nanguna noong nakaraang Nobyembre sa isang rebolusyong hindi naman marahas.”—Marso 1990.
“Ang lingguhang pananalangin ukol sa kapayapaan sa [Protestanteng] Nikolai Church, na sa loob ng sampung taon ay nakaakit ng bahagya lamang, ay biglang naging isang simbolo sa taóng ito ng kaguluhan, ng mapayapang rebolusyon sa GDR [German Democratic Republic]. . . . Di-mabilang na mga klerigo at mga miyembro ng lego sa mga kongregasyon ang regular na nakikibahagi sa mga demonstrasyon na ginanap pagkatapos.”—Disyembre 1989.
Sa kaniyang panayam, binanggit din ni Arsobispo Meisner: “Hindi tayo makapaghihintay na ang mga pulitikong Kristiyano ay mahulog buhat sa langit. . . . Hindi ako nagsasawa na ang mga kabataang Kristiyano ay himukin . . . na sumali sa pulitika [o ng] . . . pagsasabi sa nakatatandang mga mamamayan: Huwag ninyong payagang makaraan ang isang halalan nang hindi kayo sumasangkot.”
Dahil dito, 19 na mga kagawad ng East German Volkskammer (parliyamento) na inihalal sa tungkulin noong Marso 1990 ay mga klerigo. Ang relihiyon ay marami ring kinatawan sa gabinete. Tungkol sa isa sa tatlong klerigo roon, ang Ministro ng Tanggulan na si Rainer Eppelmann, isang kilalang pasipista, ay ganito ang isinulat ng pahayagang Nassauer Tageblatt: “Marami ang may turing sa kaniya na isa sa mga ama ng mapayapang rebulusyon.”
Ang mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa, na may bilang na daan-daang libo, ay nangagagalak sa karagdagang kalayaan ng relihiyon na kanila ngayong tinatamasa. Subalit hindi ginagamit ito upang mapasangkot sa pulitika o mga kontrobersiyang panlipunan. Kasuwato ng utos tungkol sa ebanghelyo na binabanggit sa Mateo 24:14, kanilang tinutularan ang halimbawa ni Jesus na paglayo sa pulitika ng mga tao, samantalang masugid nilang ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa ng tao. Ang klero ng Sangkakristiyanuhan—sila man ay nasa Silangang Europa o nasaanman—ay matalino kung gayundin ang gagawin.—Juan 6:15; 17:16; 18:36; Santiago 4:4.