Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 5/1 p. 30-31
  • Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Isang Kristiyano

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Isang Kristiyano
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 5/1 p. 30-31

Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Isang Kristiyano

ANG kaniyang tagasunod ay inanyayahan ni Jesus, na ang sabi: “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, itakuwil niya ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy na sumunod sa akin.” (Mateo 16:24) Ang mga tunay na Kristiyano ay may buong pananampalataya na si Jesu-Kristo ang pantanging Isang Pinahiran at bugtong na Anak ng Diyos, ang Ipinangakong Binhi na naghandog ng kaniyang buhay-tao bilang isang pantubos, binuhay at itinaas sa kanan ni Jehova, at tumanggap ng autoridad na supilin ang mga kaaway at ipagbangong-puri ang pangalan ni Jehova. (Mateo 20:28; Lucas 24:46; Juan 3:16; Galacia 3:16; Filipos 2:9-11; Hebreo 10:12, 13) Ang pagkakilala ng mga Kristiyano sa Bibliya ay ito ang kinasihang Salita ng Diyos, lubos na katotohanan, kapaki-pakinabang sa pagtuturo at pagdisiplina sa sangkatauhan.​—Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:21.

Ang hinihiling sa tunay na mga Kristiyano ay hindi lamang ang pagpapahayag ng pananampalataya. Kailangan na ang paniniwala’y ipakita sa pamamagitan ng mga gawa. (Roma 10:10; Santiago 2:17, 26) Palibhasa’y ipinanganganak na mga makasalanan, ang mga nagiging Kristiyano ay nagsisisi, nagbabalik-loob, nag-aalay ng kanilang buhay kay Jehova, upang sumamba at maglingkod sa kaniya, at pagkatapos ay nagpapabautismo sa tubig. (Mateo 28:19; Gawa 2:38; 3:19) Sila’y kailangang manatiling malinis buhat sa pakikiapid, sa idolatriya, at sa pagkain ng dugo. (Gawa 15:20, 29) Kanilang hinuhubad ang matandang pagkatao at ang taglay nito na mga silakbo ng galit, mahalay na bukambibig, pagbubulaan, pagnanakaw, paglalasing, at “mga bagay na katulad ng mga ito,” at ang kanilang buhay ay iniaayon nila sa mga simulain ng Bibliya. (Galacia 5:19-21; 1 Corinto 6:9-11; Efeso 4:17-24; Colosas 3:5-10) “Huwag magbata ang sinuman sa inyo,” isinulat ni Pedro sa mga Kristiyano, “na gaya ng mamamatay-tao o magnanakaw o manggagawa ng masama o gaya ng mapakialam sa mga bagay ng iba.” (1 Pedro 4:15) Ang mga Kristiyano ay dapat na mabait at makonsiderasyon, mahinahon at matiisin, may pag-ibig na gumagamit ng pagpipigil-sa-sarili. (Galacia 5:22, 23; Colosas 3:12-14) Kanilang pinaglalaanan ng ikabubuhay at pinangangalagaan ang kanilang sariling sambahayan at iniibig ang kanilang kapuwa na gaya ng kanilang sarili. (1 Timoteo 5:8; Galacia 6:10; Mateo 22:36-40; Roma 13:8-10) Ang pangunahing nagpapakilalang katangian ng tunay na mga Kristiyano ay nakikilala sa kanilang nangingibabaw na pag-ibig sa isa’t isa. “Sa pamamagitan nito,” ang sabi ni Jesus, “malalaman ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:34, 35; 15:12, 13.

Ang mga tunay na Kristiyano ay tumutulad sa halimbawa ni Jesus bilang ang Dakilang Guro at Tapat na Saksi ni Jehova. (Juan 18:37; Apocalipsis 1:5; 3:14) “Humayo kayo . . . gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa” ang utos ng kanilang Lider. (Mateo 28:19, 20) Sa pagsasagawa nito, ang mga Kristiyano ay ‘nagpapatotoo sa madla at sa bahay-bahay,’ hinihimok ang mga tao saanman na lumabas sa Babilonyang Dakila at ang kanilang pag-asa at pagtitiwala ay ilagak sa Kaharian ng Diyos. (Gawa 5:42; 20:20, 21; Apocalipsis 18:2-4) Ito’y tunay ngang mabuting balita, ngunit ang paghahayag ng gayong pabalita ay nagdadala sa mga Kristiyano ng mahigpit na pag-uusig at kahirapan, gaya rin ng naranasan ni Jesu-Kristo. Ang kaniyang mga tagasunod ay hindi hihigit sa kaniya; sapat na kung sila’y katulad niya. (Mateo 10:24, 25; 16:21; 24:9; Juan 15:20; 2 Timoteo 3:12; 1 Pedro 2:21) Kung ang sinuman ay “nagdurusa bilang isang Kristiyano, huwag niyang ikahiya ito, kundi patuloy niyang luwalhatiin ang Diyos sa pangalang ito,” ang payo ni Pedro. (1 Pedro 4:16) Ang mga Kristiyano ay nagbibigay kay “Cesar” ng nauukol sa nakatataas na mga autoridad ng sanlibutang ito​—karangalan, respeto, buwis​—​ngunit kasabay nito sila’y nananatiling hiwalay sa mga pamamalakad ng sanlibutang ito (Mateo 22:21; Juan 17:16; Roma 13:1-7), at dahil dito ay kinapopootan sila ng sanlibutan.​—Juan 15:19; 18:36; 1 Pedro 4:3, 4; Santiago 4:4; 1 Juan 2:15-17.

Mauunawaan kung bakit ang mga tao na may gayong matataas na simulain ng moralidad at integridad, lakip ang isang nakabibighaning mensahe na ipinahahayag na taglay ang nag-aalab na sigasig at pagkatahasang magsalita, ay dagling nakatawag-pansin noong unang siglo. Halimbawa, ang mga paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, ay mistulang isang lumalaganap na apoy sa parang na tumupok sa sunud-sunod na siyudad​—Antioquia sa Pisidia, Iconium, Lystra, Derbe, at Perga sa isang biyahe; Filipos, Tesalonica, Berea, Atenas, at Corinto sa isa pa​—​na nag-udyok sa mga tao na huminto, mag-isip, at manindigan, anupa’t tinatanggap o tinatanggihan ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Gawa 13:14–​14:26; 16:11–​18:17) Libu-libo ang nag-alisan sa kanilang mga organisasyon ng huwad na relihiyon, buong-pusong yumakap sa pagka-Kristiyano, at masigasig na lumahok sa pangangaral bilang pagtulad kay Kristo Jesus at sa mga apostol. Dahil dito, sila’y naging tampulan ng pagkapoot at pag-uusig, na ang pangunahing pasimuno ay ang mga lider ng huwad na relihiyon at mali-ang-pagkakilalang mga pinunong pulitiko. Ang kanilang lider na si Jesu-Kristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ay pinaslang dahil sa bintang na sedisyon; ngayon ang maibigin-sa-kapayapaan na mga Kristiyano ay binintangan na “nanggugulo sa ating lunsod,” ‘nagtitiwarik ng tinatahanang-lupa,’ at isang bayan ‘na sa lahat ng dako’y pinagwiwikaan nang masama.’ (Gawa 16:20; 17:6; 28:22) Nang panahon na isulat ni Pedro ang kaniyang unang liham (c. 62-64 C.E.) wari nga na ang gawain ng mga Kristiyano ay kilalang-kilala na sa mga lugar na gaya ng “Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia.”​—1 Pedro 1:1.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share