Ang Kahulugan ng Panalangin
“Sa Hebreo, ang pangunahing salita para sa panalangin ay galing sa ugat na, ‘humatol’, at ang karaniwang anyong reflexive . . . ay nangangahulugang literal na, ‘hatulan ang sarili.’ ” Ganiyan ang obserbasyon ng The Authorised Daily Prayer Book. Ang ipinahiwatig ay na isa sa mga layunin ng panalangin ay na dapat itong tumulong sa isang tao na makita kung siya’y nakaaabot sa matuwid na mga pamantayan at mga kahilingan ng Diyos.
Sa dahilang ito, sa buong Bibliya, sinasabi sa atin na maliban sa ang isa ay gumagawa ng kalooban ng Diyos, ang kaniyang mga panalangin ay hindi pakikinggan nang may pagsang-ayon. “Si Jehova ay malayo sa mga balakyot, ngunit ang panalangin ng mga matuwid ay kaniyang dinirinig.”—Kawikaan 15:29; 1 Juan 5:14.
Ang pagsusuri sa sarili sa harap ng Diyos na Jehova ay tunay na dapat gawin ang isang taong nananalangin na mapagpakumbaba at nagsisisi. Ito’y lalo pang nagpapatingkad sa talinghaga ni Jesus tungkol sa naghahambog na Fariseo at sa nagsisising maniningil ng buwis na naparoon sa templo upang manalangin.—Lucas 18:9-14.
Sa gayon, tayo man ay nananalangin kay Jehova upang siya’y pasalamatan, purihin, o humiling sa kaniya, ang panalangin ay sa tuwina isang pagkakataon para sa pagsusuri sa sarili. Sa ganitong paraan, ang panalangin ay lalong naglalapit sa atin kay Jehova at pinalalakas ang ating kaugnayan sa kaniya.