Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bakit itinatag ni Jesus ang Memoryal kasama ang mga apostol lamang, at hindi ang iba pang mga alagad na isasali sa bagong tipan?
Ang tanong na ito ay waring nakasalig sa maling kaisipan na nakipagtipon si Jesus sa kaniyang mga apostol nang gabing iyon upang itatag ang Hapunan ng Panginoon kasama ng Kristiyanong kongregasyon ng mga pinahiran na kasali na sa bagong tipan. Bagkus, noong Nisan 14, 33 C.E., ang kongregasyong Kristiyano ay hindi pa naitatatag, at si Jesus ay nakipagtipon sa kaniyang mga apostol para sa taunang hapunan ng Paskuwa ng mga Judio.
Kung sa bagay, si Jesus ay may iba pang mga alagad bukod sa 12 na kilala bilang mga apostol. Nang taon bago siya mamatay, siya’y nagsugo ng 70 mga alagad upang mangaral. Pagkatapos na siya’y buhaying-muli, “siya’y nagpakita sa mahigit na limandaang kapatid nang minsanan.” At may “mga isandaan at dalawampung” alagad na nagtitipon noong araw ng Pentecostes. (1 Corinto 15:6; Gawa 1:15, 16, 23; Lucas 10:1-24) Ngunit isaalang-alang natin ang grupo na kasama ni Jesus nang kaniyang itatag ang taunang selebrasyon na kilala bilang ang Hapunan ng Panginoon.
Sa Lucas 22:7, 8 ay ibinibigay ang pinakabalangkas ng panahon, na nagsasabi: “At dumating ang araw ng mga tinapay na walang lebadura, na noon ay kinakailangang ihain ang handog ukol sa paskuwa; at isinugo niya si Pedro at si Juan, na nagsasabi: ‘Humayo kayo at ihanda ang kordero ng paskuwa para kanin natin.’ ” Ang ulat ay nagpapatuloy: “Sasabihin ninyo sa punò ng sambahayan, ‘Sinasabi sa inyo ng Guro: “Nasaan ang tuluyang silid na kung saan maaari kong kanin ang kordero ng paskuwa kasalo ng aking mga alagad?” ’ ” Kaya nang gabing iyon si Jesus ay kasama ng 12 para sa isang selebrasyong Judio. Kaniyang sinabi sa kanila: “Pinakahahangad kong kanin na kasalo ninyo ang kordero ng paskuwang ito bago ako maghirap.”—Lucas 22:11, 15.
Mula nang ito’y magsimula sa Ehipto, ang Paskuwa ay isang selebrasyong pampamilya. Sa pagtatatag ng Paskuwa, sinabihan ng Diyos si Moises na kailangang magpatay ng isang tupa ang bawat sambahayan. Kung ang pamilya’y totoong maliit upang makaubos ng isang buong tupa, ang isang karatig na pamilya ay maaaring anyayahan upang makisalo sa pagkakainan. Samakatuwid, makatuwiran na para sa Paskuwa ng 33 C.E., karamihan ng mga alagad ni Jesus ay normal lamang na makipagtipon sa kanilang sariling pamilya para sa hapunang ito.
Subalit “pinakahahangad” ni Jesus na magkasalu-salo sa katapusang talagang Paskuwa, at sa katapusang gabi bago maganap ang kaniyang kamatayan, kasama ng kaniyang pinakamalalapit na mga tagasunod, na naglakbay na kasama niya sa kalakhang bahagi ng kaniyang ministeryo. Sa dulo ng hapunang iyon ng Paskuwa, sinabi sa kanila ni Jesus ang tungkol sa isang bagong selebrasyon na kailangang ganapin ng lahat ng kaniyang mga tagasunod sa hinaharap. Ang alak ng sa hinaharap pang Kristiyanong selebrasyong iyon ay sumasagisag sa dugo ng “bagong tipan” na hahalili sa tipang Kautusan.—Lucas 22:20.
Gayunman, nang gabi ng Nisan 14, 33 C.E., ang bagong tipan ay hindi pa nagkakabisa, sapagkat ang nagbibigay-bisang hain—si Jesus—ay hindi pa naihahandog. Umiiral pa rin noon ang tipang Kautusan. Hindi pa naipapako iyon sa tulos. Isa pa hindi mararamdaman ang bisa niyaon kundi sa araw ng Pentecostes na ang matandang pakikipagtipan sa likas na Israel ay hinalinhan ng bagong pakikipagtipan sa espirituwal na Israel.—Galacia 6:16; Colosas 2:14.
Samakatuwid, maging ang 11 tapat na mga apostol ni ang sinuman sa ibang alagad ay wala sa bagong tipan nang gabing iyon. At si Jesus ay hindi nagpapakita ng anumang di-pagsang-ayon sa ibang mga alagad ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanila na makipagtipon sa kani-kanilang pamilya upang ganapin ang Paskuwa.