Mapabubulaanan ba ng Siyensiya ang mga Himala?
Ang mga himala ba sa Bibliya ay talagang nangyari? Marami, kasali na ang maraming mga siyentipiko at mga lider sa relihiyon, na sasagot nang hindi. Sila’y naniniwala na ang paniniwala sa mga himala ay bahagi ng isang panahon ng mga pamahiin at ang posibilidad na mangyari ang mga ito ay pinabulaanan ng modernong siyensiya. Sa gayon, ang sumusunod na liham na lathala sa The Times ng London at nilagdaan ng mga siyentipiko ay nararapat na suriin. Ito’y nagsasabi:
“Walang katuwirang gamitin ang siyensiya bilang isang argumento laban sa mga himala. Ang paniniwala na hindi maaaring mangyari ang mga himala ay isang gawa ng pananampalataya gaya rin ng paniniwala na ang mga ito ay maaaring mangyari. . . . Ang mga himala ay mga pangyayaring wala pang nakagagawa. Ano man ang kasalukuyang uso sa pilosopiya o ang ipinahihiwatig ng mga sinurbey na opinyon, mahalaga na patunayan na ang siyensiya (sapagkat batay sa obserbasyon ng naunang mga pangyayari) ay maaaring walang anumang sinasabi tungkol sa paksa. Ang ‘mga batas’ nito ay mga pangkalahatang patotoo lamang ng ating mga karanasan. Ang pananampalataya ay nakasalig sa mga ibang batayan.” (Amin ang italiko.) Totoo nga, walang paraan na magagamit ang modernong siyensiya upang pabulaanan ang mga ulat ng mga himalang nasusulat sa Bibliya.