Isang Misyon ng Pagtulong sa Ukraine
MULI na naman na ang laman ng mga pahayagan ay nakalulunos na mga balita. Kaguluhan ng kabuhayan, kakapusan sa pagkain, at gutom ang laganap sa lupa—sa pagkakataong ito ay sa mga panig ng dating Unyon Sobyet. Ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova kamakailan ay humiling sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Denmark upang mag-organisa ng pagtulong sa nangangailangang mga Saksi sa Ukraine. Ano ba ang ginawa ng mga kapatid na Daneso?
Sila’y kumilos kaagad! Karaka-rakang ang tanggapang sangay ay nagpapunta sa mga kapatid sa mga pamilihan upang alamin ang pinakamagaling na paraan ng pagbili ng mga pagkain. Nagpasabi sa lahat ng kongregasyon ng bayan ni Jehova sa Denmark, ipinabatid sa kanila ang pangangailangan. Nag-uulat ang sangay: “Lahat ng kongregasyon ay lubusang handa na mag-abuloy. Sa wakas, kami ay nakapagbigay ng nakikitang patotoo ng aming pakikiramay sa mga naghihirap na iyon.” Limang trak kasali na ang dalawang sasakyang pangkargada at 14 boluntaryong mga drayber, ang dumating sa sangay sa Denmark noong Sabado, Disyembre 7, 1991. Ang mga trak ay pinunô ng mga manggagawa sa sangay ng mga pagkain na kanilang binili.
Nang katanghalian noong Lunes, Disyembre 9, ang kumboy ay nagsimula ng mahabang pagbibiyahe ng pagbagtas sa Europa patungong Ukraine. “Iyon ay isang tanawing makabagbag-damdamin samantalang ang buong pamilyang Bethel ay nagkatipon upang kumaway sa kanila ng pamamaalam,” ang sabi ng sangay sa sulat. “Sa pagkaalam na maraming misyon ng pagtulong ang nagiging biktima ng mga panghaharang, ang aming mga kapatid ay sinubaybayan namin ng maraming panalangin sa buong biyahe.”
Noong Disyembre 18 ay natapos ang pagkabalisa. Ang sangay sa Denmark ay tumanggap ng pasabi na ang kumboy ay dumating na ligtas sa Lviv, Ukraine. Ang tulong ay natanggap na ng mga kapatid sa Ukraine. Anong laki ng kanilang nadamang kaginhawahan nang kanilang idinidiskarga na ang 1,100 pampamilyang, 20-kilo na mga balutan—bawat isa’y may lamang karne, harina, bigas, asukal, at iba pang mga pangangailangan! Sa kabuuan, ang kumboy ay naghatid ng mga 22 tonelada ng mga pagkain. Ang sangay sa Denmark ay sumulat: “Kaylaki ng aming kagalakan, habang pinasasalamatan namin si Jehova sa kaniyang proteksiyon at sa ibinigay niyang pagkakataong ito na makatulong kami.”
Binabalak din na magpadala ng mga damit. Iniuulat ng sangay na sa bagay na ito rin, “ang tugon ng mga kongregasyon ay labis-labis.” Tunay nga na si Jehova ay ‘nagbibigay ng saganang kayamanan sa kaniyang bayan ukol sa lahat ng kagandahang-loob.’ (2 Corinto 9:11) Sila naman ay nakadarama nang lubusang kagalakan na nanggagaling sa saganang pagbibigay sa kanilang mga kapatid. Ang pag-ibig na kanilang ipinakikita sa ganoong paraan ay isang nagpapakilalang tanda ng mga tagasunod ni Jesus. (Juan 13:35) Ang gayong pag-ibig ay totoong pambihira sa nangangailangang sanlibutang ito.