Ang Relihiyon ng ‘Nakikibagay na Pananampalataya’
“Ang abilidad ng Mormonismo na makapag-ugat kapuwa sa liberal na mga demokrasya at sa totalitaryong mga lipunan ay isang kababalaghan.” Ganiyan ang puna ng The Wall Street Journal nang ang gobyernong Hungaryo ay magkaloob ng lubos na pagkilala sa Church of Jesus Christ of Latter-day Saints. Papaano ito natatamo ng iglesya? “Ang susi,” sang-ayon sa Journal, “ay hindi lamang ang malimit na pag-aanak ng mga Mormon o ang mapusok na pagpapalaganap ng kanilang ebanghelyo. Kundi, iyon ay nasa pagkamadaling bumagay na sangkap ng kanilang pananampalataya.” Papaano ngang gayon?
Sa pagsasalita tungkol sa panahon bago naganap ang kamakailang makapulitikang mga pagbabago sa Silangang Europa, sinabi ng Journal: “Sa pamamagitan ng paggamit ng grupo sa musika at sa katutubong-sayaw buhat sa Brigham Young University, nagawa ng mga Mormon na mapagtagumpayan ang panunupil at pagsalansang na karaniwang napapaharap sa mga misyonero sa karamihan ng mga bansang Komunista,” ang sabi ng Journal. Ang kanilang mga pangkat ay nakaparoon na sa Romania, Czechoslovakia, Hungarya, Polandiya, Russia, at Tsina, at gayundin sa Saudi Arabia, Libya, Ehipto, Jordan, Somalia, at Israel. Isa pa, “ang kayamanan ng Simbahang Mormon ay ginamit na isang sangkalan upang makapasok sa mga bansa na Marxista at mga lupain ng Third World.” Ang pagtatayo ng mga prinsa at paghuhukay ng mga balon ang kabilang sa mga proyekto na suportado ng mga donasyong Mormon.
Sa kasalukuyang daigdig na mahilig sa kalayawan at gutóm sa salapi, hindi kataka-taka na ang gayong mga taktika ng kantahan-at-sayawan at pagbibigay ng salapi ay madaling makaakit. (2 Timoteo 3:2, 4) Subalit tunay na ang tulad-tupang mga tao ay naaakit sa tinig ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. (Juan 10:27) Kaya naman, nang kaniyang iutos sa kaniyang mga tagasunod na “gumawa ng mga alagad ng mga tao ng lahat ng bansa,” hindi niya sinabi sa kanila na gawin ito sa pamamagitan ng anumang paraan o ng anumang halaga kundi sa pamamagitan ng ‘pagtuturo sa kanila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.’ (Mateo 28:19, 20) Sa pagganap sa lahat ng iniutos na ito, walang dako na ikompromiso ang mga pamantayan ng Bibliya.