Kailangan Natin ang Isa na Makikinig
BILANG mga tao, tayo’y humahanap ng kagalakan at kasiyahan sa buhay. Subalit pagka bumangon ang personal na mga suliranin, anong laking tulong at kaaliwan na may isang maaari nating kausapin tungkol sa ating mga suliranin!
Ang sabi ni Dr. George S. Stevenson: “Ang pakikipag-usap ay nakatutulong upang mabawasan ang iyong kaigtingan, tumutulong upang maliwanagan ang iyong ikinababalisa, malimit na tumutulong upang makita kung ano ang magagawa mo tungkol doon.” Si Dr. Rose Hilferding ay may ganitong puna: “Tayong lahat ay kailangang may karamay sa ating mga problema. Kailangang may kabahagi tayo sa ating pagkabalisa. Kailangang madama natin na may isa sa daigdig na handang makinig at umunawa.”
Kung sa bagay, walang sinumang tao na lubusang makatutugon sa pangangailangang ito. Dahilan sa limitado ang ating panahon at sa iba pang mga bagay, ang taong kapalagayang-loob natin ay baka wala pagka kailangang-kailangan natin sila, o baka naman tayo’y atubili na ipakipag-usap ang ilang mga bagay sa ating pinakamatatalik na kaibigan.
Gayunman, ang tunay na mga Kristiyano ay hindi naman lubusang salat sa isang makikinig sa kanila, sapagkat sa tuwina’y maaaring gamitin ang panalangin. Paulit-ulit na tayo’y hinihimok ng Bibliya na manalangin sa Diyos, ang ating Maylikha, na ang pangalan ay Jehova. Tayo’y inaakay na manalangin nang may kataimtiman, sa pangalan ni Jesus, at nang naaayon sa kalooban ng Diyos. Maging ang personal at pansariling mga bagay ay tumpak na magagawang paksa ng panalangin. “Sa lahat ng bagay . . . ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos,” ang sabi sa atin sa Filipos 4:6. Anong kahanga-hangang kaloob nga! Ang Soberanong Hari ng ating sansinukob ay laging handa na tanggapin at dinggin ang mga panalangin ng kaniyang mapagpakumbabang mga lingkod kailanma’t nais nila na lumapit sa kaniya.—Awit 83:18; Mateo 6:9-15; Juan 14:13, 14; 1 Juan 5:14.
Subalit, talaga nga kayang nakikinig ang Diyos? Ang iba marahil ay nag-iisip kung ang bisa ng panalangin ay abot lamang hanggang sa kakayahan ng tao: Ang isang tao’y nananalangin, inaayos ang kaniyang mga kaisipan at ipinahahayag iyon sa pamamagitan ng mga salita. Pagkatapos nga na maiharap ang kaniyang suliranin, siya’y naghihintay ng isang angkop na solusyon at alisto sa pag-aabang sa anuman na maaaring makatulong upang masumpungan ang kalutasan niyaon. Pagka nalutas na ang kaniyang suliranin, maaaring ang Diyos ang bigyan niya ng kapurihan tungkol doon, subalit ang totoo ay ang hinangad niyang mga resulta ay bunga ng kaniyang sariling isip at mga pagsisikap.
Marami sa ngayon ang nag-iisip na ang panalangin ay wala kundi paggamit ng sariling isip at pagsisikap sa isang suliranin upang malutas. Isa ka ba riyan? Ang bisa ba ng panalangin ay limitado? Ipagpalagay na, ang pagsisikap ng isang tao sa kaniyang isip at lakas kasuwato ng kaniyang mga panalangin ay may mahalagang bahagi sa pagtanggap ng mga kasagutan. Gayunman, kumusta naman ang sariling bahagi ng Diyos sa bagay na iyan? Ang Diyos ba ay nakikinig pagka ikaw ay nananalangin sa kaniya? Kaniya bang itinuturing na mahalaga ang iyong mga panalangin, na isinasaalang-alang ang nilalaman at sinasagot ang mga iyan?
Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay mahalaga. Sakali ngang hindi pinapansin ng Diyos ang ating mga panalangin, kung gayon ay walang halaga ang panalangin maliban sa pagiging isang saloobin ng kaisipan. Sa kabilang panig, kung tinatanggap at interesadong nakikinig ang Diyos sa bawat panalangin natin, anong laki ng ating pasasalamat at mayroong ganiyang paglalaan! Dapat itong pumukaw sa atin na gamitin sa araw-araw ang paglalaang iyan.
Kung gayon, ikaw ay inaanyayahan namin na magpatuloy sa pagbabasa, habang ang mga isyung ito ay tinatalakay sa susunod na artikulo.