Sila ay Dumating sa Kabila ng Kahirapan at Panganib
ANG petsa ay Enero 2, 1992. Ang dako—Maxixe, Probinsiya ng Inhambane. Ang Aprikanong pang-gabing tunog sa Mozambique ay biglang nahinto nang buksan ang isang radyo. “Ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng kanilang ‘Mga Umiibig sa Kalayaan’ na Kombensiyon sa ating lalawigan,” ang anunsiyo ng brodkaster. “Ang kanilang layunin ay turuan ang mga tao tungkol sa kung papaano masusumpungan ang tunay na kalayaan sa kasalukuyang daigdig. Lahat ay inaanyayahan na dumalo.”
Doon sa malayong sulok na iyon ng Aprika, nagaganap ang isang kasaysayan! Sa unang-unang pagkakataon, isang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ang idinaraos at 1,024 katao ang naroon upang makinabang doon. Noong mga ilang taóng lumipas, ang ganiyang pangyayari ay hindi kailanman lantarang nagaganap sa Mozambique, dahil sa ang gawain ng mga Saksi ni Jehova noon ay ipinagbabawal. Nais mo bang marinig ang tungkol sa lakas-loob na pagsasakripisyo upang madaluhan ang kombensiyong ito?
Ang Probinsiyang Inhambane, tulad ng mga iba pang panig ng Aprika, ay totoong maganda. Tulad-dhow na mga bangkang pangisda na may layag na korteng-trianggulo ang nagyayaot-parito sa karagatan sa baybaying ito. Kayrami roon ng mga punong niyog. Subalit isang pangit na anino ang unti-unting lumalaganap sa lalawigan: gera sibil!
Para sa mga nangakahiga at natutulog sa kubong yari sa palaspas sa madaling araw sila’y karaniwan nang ginigising ng boom-boom-boom na ugong ng matinding barilan sa kalapit na mga kabukiran habang ang labanan sa kagubatan ay patu-patuloy sa buong magdamag. Kadalasan ay ang walang-malay na mga mamamayan ang nagiging biktima. Kung minsan may nakikitang mga batang papilay-pilay na lumalakad dahilan sa nawalan o naputulan ng mga paa. Maging ang iba man sa mga Saksi ni Jehova ay may mga pilat sa kanilang mga mukha at mga katawan dahil sa mga kalupitan na kanilang naranasan.
Sa ilalim ng ganitong mga kalagayan ang Kombensiyon ng “Mga Umiibig sa Kalayaan” ay lubhang pinahalagahan ng lahat ng nagsidalo. Sa kabila ng panganib na matambangan sa pagpunta sa kombensiyon, maraming pami-pamilya buhat sa mga kabukiran ang desididong dumalo. Ang pagpunta roon ay may kahirapan din, yamang ang pampublikong transportasyon ay karaniwan nang nasa likod ng malalaking trak na walang anumang tabing. Kung minsan ay umaabot hanggang 400 na mga pasahero ang nagsisiksikan sa isang trak! Marami sa mga trak na ito ang magkakasunod upang magsilbing kumboy na may kaagapay na armadong mga sundalo.
Si Nora at ang kaniyang tatlong mga anak na babae, edad isa, tatlo, at anim na taon, ang isa sa mga pamilya na nagsapanganib ng kanilang buhay sa pamamagitan ng ganitong paraan ng paglalakbay. Siya’y nagtipon ng pera sa loob ng kung mga ilang buwan upang magasta sa pagbibiyahe. Hindi mayapa’t walang tiyak na matutuluyan sa lugar ng kombensiyon ay nahadlangan na siya. Kasama ng marami pang iba, si Nora at ang kaniyang pamilya ay doon nagluto, kumain, at natulog sa nakatiwangwang na dako sa mismong lugar na pinagdarausan ng asamblea.
Kahit na ang matinding init na karaniwan sa tropiko na sinusundan pagkatapos ng malakas na ulan ay hindi nakabawas sa di-mapigil na katuwaan ng mga kapatid na nasasayahang magsama-sama sa isang espirituwal na piging. May paniwala sila na wala nang higit pang mahalaga para sa kanila kundi ang dumalo sa kombensiyong iyon. Lahat-lahat ay 17 katao ang nagsagisag ng kanilang pag-aalay sa mainit na tubig ng Indian Ocean. Habang ginaganap ang pagbabautismo, isang malaking pulutong ng nasasayahang mga tagapagmasid ang kusang naganyak na umawit ng papuri kay Jehova.
Talagang natuklasan ng grupong ito ng mga sumasamba kung ano ang kahulugan ng pagiging mga umiibig sa maka-Diyos na kalayaan. Sabi ni Hans, isang kinatawan na nagbuhat sa kabisera, sa Maputo: “Katatapos lang naming makita ang pasimula ng isang bagong kabanata sa kasaysayan ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa panig na ito ng Aprika.”