Isang Makasaysayang Ospital na Naging Pambihirang Kingdom Hall
NOONG 1770 ang tanyag na manggagalugad Ingles na si Tenyente James Cook ay naglalayag sa 369-toneladang barko na Endeavour sa di pa nagagalugad na silangang baybayin ng Australia. Kinagabihan ng Hunyo 11, ang barko ay sumalpok sa isang bahura sa isang liblib na lugar sa gawing hilaga ng kontinente. Malaki ang naging pinsala ng katawan na encina. Kailangang-kailangan noon na kumpunihin iyon upang makaligtas ang mga tripulante. Ang bukana ng isang karatig na ilog ang napatunayang angkop na lugar para doon gawin ang pagkukumpuni, na gumugol ng anim na sanlinggo. Makalipas ang isang daan at tatlong taon, nakatuklas ng ginto sa lugar na ito. Nag-umpisa noon ang pag-uunahan para makakuha ng ginto! Maraming libu-libo ang naparoon upang humanap ng kanilang kapalaran. Isinilang ang Cooktown.
Noong 1879 ang gobyerno ay nagbigay ng pahintulot na magtayo ng isang permanenteng ospital upang mangalaga sa mga maysakit at sa mga nasasaktan sa mga aksidente sa pagmimina. Nang taon ding iyon, sa kabilang panig ng daigdig, Hulyo 1 ay nasaksihan ang unang edisyon ng Zion’s Watch Tower. Magbuhat noon, ang magasing ito ay naglaan ng isang palatuntunan ukol sa espirituwal na kalusugan ng milyun-milyong mga taong may takot sa Diyos. Noon ay hindi pa nababatid na balang araw ang gusali ng ospital ng Cooktown ay magkakaroon ng malapit na kaugnayan sa magasing ito.
Pagkalipas ng mahigit na isang siglo, ang Cooktown Hospital ay kailangang halinhan. Mga pondo ng gobyerno ang magagamit para sa isang bagong gusali, kaya hiniling na yaong mga interesado ay sumali sa pagsusubasta ng dating gusaling ospital. Ang National Trust ng Queensland ay kinakitaan ng malaking interes sa makasaysayang gusaling ito. Gayunman, ang gastos upang mailipat sa ibang lugar at maitayong muli ang gusali ay napakalaki. Walang sumali sa subasta.
Halos kasabay rin nito, ang maliit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Cooktown ay naghahanap ng isang permanenteng lugar na pagdarausan ng mga pulong Kristiyano. Sila’y walang lote at may $A800 lamang. Papaano sila makapagtatayo ng isang Kingdom Hall? Ang mga kinatawan ng lokal na kongregasyon ay nagboluntaryo na ilipat sa ibang lugar ang gusali ng ospital at hindi nag-alok ng anumang bayad. Papaano kaya papatnubayan ni Jehova ang mga bagay-bagay? Nakapananabik na mga balita! Tinanggap ang kanilang alok!
Ngayon ay ang susunod na dapat pag-isipan—lote para pagtayuan ng gusali. Oo, sila’y pinagsabihan, waring makakakuha ng loteng gobyerno na walang bayad, kung maiingatan ang gusali at maisasauli sa dati. Gayunman, nang panahong ito ay lumalaki ang pananalansang sa binabalak na proyekto sa isang bahagi ng komunidad na hindi palakaibigan. Isang petisyon ang inihanda upang matigil ang plano ng mga Saksi. Napabalita na ang mga Saksi ni Jehova ang mamamahala sa Cooktown, sasarhan ang lahat ng otel at mga pasugalan, at ipagbabawal ang pagbibili ng sigarilyo. Mangyari pa, ito’y hindi kailanman nangyari, subalit ang muling pagsosona sa lote at pagkuha ng kinakailangang permiso para aprobahan ang pagtatayo ay naging mahirap. Ang takdang araw para sa pag-aalis ng gusali ay mabilis na papalapit. Pinagsikapang ang mamagitan ay ang Pang-estadong Pamahalaan ng Queensland. (Ihambing ang Roma 13:2.) Ang permiso para sa paggamit sa lote ng gobyerno ay agad namang ipinagkaloob, at isang permiso sa pagtatayo ang ipinalabas. Ngayon kapuwa ang lote at ang gusali ay pag-aari na nila, ano ang susunod?
Dumating ang isang grupo ng daan-daang Saksi, may karanasang mga mangangalakal, at mga tutulong buhat sa sari-saring bahagi ng Estado ng Queensland, na libreng nagboluntaryo ng kanilang panahon at napaunlad ang pagkadalubhasa sa mabilis na pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Ang proyektong ito ay nagharap ng natatanging mga hamon: paglilipat ng mga bahagi ng dalawang-palapag na ospital sa bagong lugar na pagtatayuan at pagkatapos ay muling pagbuo sa gusali. Ang tag-ulan ay mabilis na papalapit na may dalang pag-ulan na bumubuhos. Ang trabaho kaya’y matatapos sa takdang panahon? Ang iba ay may duda. Gayunman, ang waring sa iba’y hindi mangyayari ay nangyari sa madaling panahon. Noong Abril 1986 ang gusali ay nailipat at pagkatapos ay naisauli sa kaniyang dating kagandahan.
Lahat ng ito ay naging kapansin-pansin, gaya ng mahahalata sa mga komento sa Anglican Newsletter sa Cooktown. Ang isang bahagi ay nagsasabi: “Tiyak na ako’y pipintasan, pero . . . malasin ang buong paligid ng Simbahan at tingnan kung gaano kalaki ang bakante roon . . . at tanawín naman ang kabilang grupo [mga Saksi ni Jehova] at tingnan kung gaano karami ang naroroon . . . , napupuno ng mga Anglicano at mga Romano Katoliko . . . Alam ba ninyo na may organisasyon . . . [na] bumili sa lumang Ospital upang muling itayo ito na isang simbahang matatawag sapagkat ang Paaralan ay totoong maliit upang magkasiya sila roon? . . . Anong hina nga natin, upang payagan na mangyari ito.”
Libu-libong mga turista ang dumadalaw sa Cooktown taun-taon. Sila’y nagpupunta upang maglibang sa magandang palanas na kagubatan at sa Great Barrier Reef at upang alamin ang kasaysayan ng lugar. Ang Captain Cook Museum ay isang popular na atraksiyon para sa karamihan ng mga bisita. Sapol noong 1989 ang makasaysayang Cooktown Hospital sa kaniyang bagong papel na ginagampanan bilang isang Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses ay naging isang pangunahing atraksiyon din sa mga turista. Ang mga tindahang nagbebenta ng mga souvenir ay mabibilhan ng mga pamunas na tuwalya at mga T-shirts na may larawan ng Cooktown Hospital-Kingdom Hall. Sa panahon ng pagdagsa ng mga turista, sa pagitan ng anim na raan at isang libong katao ang dumadalaw sa gusali bawat linggo upang tuwirang makita ang pambihirang arkitektura nito na uso noong 1879.
Ang magasin na kilala ngayon bilang Ang Bantayan ay ipinagkakaloob nang libre sa mga bisita. Buhat noong 1879 ang sirkulasyon ng magasing ito ay sumulong hanggang maging mahigit na 15 milyong kopya makalawa isang buwan sa 111 mga wika. Inaakay nito ang mga tao sa pangako ng Bibliya na ang ilan sa salinlahi ng 1914 ay buháy pa upang masaksihan ang pagsasauli ng sangkatauhan sa mabuting pisikal at espirituwal na kalusugan. (Isaias 33:24) Ang buong lupa ay ibabalik sa pagkaparaiso ng milyun-milyong masisipag na mga boluntaryo. (Awit 37:29) Bakit hindi kayo dumalaw sa isang Kingdom Hall sa inyong lugar? Makasusumpong kayo roon ng isang bagay na mas mahalaga kaysa lahat ng minang ginto sa rehiyon ng Cooktown.—Kawikaan 16:16.