Kaniyang Napanalunan ang Premyo
“LAHAT ay utang ko sa inyo,” isinulat ni Kiyoe, nasa huling baitang ng high school, sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Hapón. Ano’t ganiyan na lamang ang kaniyang pasasalamat? Kamakailan si Kiyoe ay nanalo ng pinakamataas na premyo sa isang pambansang timpalak sa komposisyon, na taguyod ng Japan Traffic Safety Association. Kasali sa mahalagang premyo ang pagliliwaliw sa Sweden.
Si Kiyoe ay sumulat upang ipahayag ang kaniyang pasasalamat dahil sa maraming mahuhusay na publikasyon na lathala ng Watch Tower Bible and Tract Society, na inaakala niyang lubhang nakatulong sa kaniya na magtagumpay. Bukod sa timpalak na ito, siya’y kinatawan ng kaniyang paaralan sa maraming mga timpalak sa pagsasalita at pagsulat. “Sa karamihan ng mga timpalak na ito,” aniya, “isang tema ang ibinibigay at ang mga estudyante ay gumagawa ng pananaliksik sa isang aklatan para sa kanilang paksang isusulat. Subalit, hindi ko na kailangang dumaan pa sa lahat ng ganiyang pagkaligalig. Nakakakuha ako ng kahanga-hangang materyal sa aklatan sa amin!” Sinabi pa niya: “Anuman ang tema, maging iyon man ay suliranin sa pagtanda, ang kapaligiran, relasyon ng mga bansa, o pagpapasulong-sa-sarili, karaniwan nang lubusang tinatalakay iyon sa mga magasing Bantayan o Gumising!”
Gayumpaman, hindi lamang ang mga publikasyon ang tumulong kay Kiyoe. Ayon sa kaniya ang edukasyon na kaniyang tinanggap sa pamamagitan ng mga kaayusan ng pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova ay tumulong sa kaniya na mapabuti pa ang kaniyang pagbabasa at pagsusulat, at ito ang nagpangyari na siya’y makahigit sa iba sa mga timpalak. “Minsan, ang talagang ibig ko ay makapag-aral sa unibersidad,” inamin niya. “Subalit saan ako makakakuha ng edukasyon na katulad nito?” Ngayon siya ay umaasang makagagawa nang buong-panahon sa pagtulong sa mga iba upang makinabang sa kaniyang tinanggap na edukasyon. Bagaman natutuwa sa premyo na napanalunan sa pagsulat, ang puso ni Kiyoe ay nakatalaga na mapanalunan ang premyo ng buhay.—Ihambing ang Filipos 3:14.