Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 11/15 p. 32
  • Imposible Ito!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Imposible Ito!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 11/15 p. 32

Imposible Ito!

“MAGAANG pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom kaysa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.” (Mateo 19:24) Ito’y sinalita ni Jesu-Kristo upang turuan ang kaniyang mga alagad ng isang aral. Isang mayamang binatang pinunò ang katatanggi lamang sa paanyaya na maging tagasunod ni Jesus at magkaroon ng bahagi sa maraming kahanga-hangang espirituwal na mga pagkakataon. Ang pinili ng lalaki ay mangunyapit sa kaniyang maraming ari-arian imbes na sumunod sa Mesiyas.

Hindi naman ibig sabihin ni Jesus na lubusang imposible na ang isang taong mayaman ay magtamo ng buhay na walang-hanggan sa kaayusan ng Kaharian, sapagkat may mayayaman na naging kaniyang mga tagasunod. (Mateo 27:57; Lucas 19:2, 9) Subalit, ito ay imposible para sa kaninumang mayaman na mas malaki ang pag-ibig sa kaniyang mga ari-arian kaysa espirituwal na mga bagay. Tangi lamang sa pagiging palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan at pagtanggap ng tulong ng Diyos matatamo ng gayong tao ang bigay-Diyos na kaligtasan.​—Mateo 5:3; 19:16-26.

Ang ilustrasyon ng kamelyo at ng butas ng karayom ay hindi literal ang kahulugan. Gumagamit si Jesus ng hyperbole upang idiin ang suliranin na nakaharap sa mga taong mayayaman na nagsisikap palugdan ang Diyos samantalang sumusunod sa isang maluho, materyalistikong istilo ng pamumuhay.​—1 Timoteo 6:17-19.

May nagsasabi na ang butas daw ng karayom ay isang maliit na pasukan sa pader ng isang siyudad na maaaring mapagdaanan ng isang kamelyo nang may kahirapan kung ito’y walang anumang kargada. Subalit ang salitang Griegong rha·phisʹ, na isinaling “karayom,” sa Mateo 19:24 at Marcos 10:25, ay galing sa isang pandiwa na nangangahulugang “tahiin.” Sa Lucas 18:25 ang terminong be·loʹne ay tumutukoy sa isang karayom na pantahi, at doon ay mababasa sa New World Translation: “Sa katunayan, mas madali para sa isang kamelyo na dumaan sa butas ng isang karayom na pantahi kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” Ang ganitong pagkasalin ay sinusuportahan ng iba’t ibang awtoridad. Si W. E. Vine ay nagsasabi: “Ang idea ng pagsasabing tumutukoy ‘ang butas ng karayom’ sa maliliit na mga pasukan ay waring moderno; wala nang makikitang sinaunang bakas nito.”​—An Expository Dictionary of New Testament Words.

Ang isang napakalaking kamelyo na nagsisikap makalusot sa butas ng isang napakaliit na karayom na pantahi ay “nagbabadya ng pagmamalabis sa Silangan,” ang sabi ng isang aklat na reperensiya. At tungkol sa ilan na totoong tuso na waring magagawa nila ang imposible, sinasabi ng The Babylonian Talmud: “Kanilang pinadaraan ang isang elepante sa butas ng isang karayom.” Gumamit si Jesus ng tipikong hyperbole at malinaw na pagkakaiba upang idiin ang pagkaimposible ng isang bagay. Imposible para sa isang kamelyo, o sa isang elepante, na dumaan sa butas ng isang karayom na pantahi. Gayunman, sa tulong ng Diyos, ang isang taong mayaman ay maaaring makapanaig sa isang pananaw na materyalistiko at talagang humanap ng buhay na walang-hanggan. Gayundin ang lahat ng may taus-pusong pagnanasang matuto at gawin ang kalooban ng Kataas-taasang Diyos, si Jehova.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share