Paghula Tungkol sa Hinaharap ng Ekonomiya ng Daigdig
ANG pagkamabuway ng ekonomiya at ang kawalang-tiwala sa mga analista na hindi naihula ang pagbagsak ng stock market noong 1987 ay nag-udyok sa ilang negosyante na bumaling sa astrolohiya upang hulaan ang kanilang pinansiyal na kinabukasan, ang sabi ng London magasin na Accountancy Age. Pinansin ng magasin na ang “mga astrologo sa negosyo ay nagtatamo ng kahanga-hangang listahan ng bantog na mga kliyente para sa kanilang detalyadong mga panghuhula tungkol sa pagnenegosyo.”
Isang pinagkukonsultahan ang naghahambing ng siklo na kaniyang napapansin sa 30 taon ng araw-araw na ulat ng pinansiyal sa pagkilos ng mga planeta. Dito niya ibinatay ang kaniyang panghuhula. Bagaman maraming kliyente ang bantulot na sundin ang kaniyang payo bago sumapit ang 1987, ngayon ay nasusumpungan niyang kahit na ang matitigas-ang-ulong kapitalista ay handang makinig.
Isa pang astrologo sa negosyo ang may mga tsart na batay sa mga petsa ng kapanganakan upang tayahin ang karakter ng isang tao at gayundin upang humanap ng “mga palatandaan sa maaaring kalabasan ng negosyo.” Subalit may isa namang naniniwala na ang pagbabagu-bago sa pagbibili ng pilak ay sumusunod sa isang siklong lunar. Subalit kung ihahambing sa isang regular na mga analista sa negosyo, ang astrologong ito ay nagpapatunay na ang kaniyang mga kliyente ang nagbibigay sa kaniya ng “napakaliit na tsansa na magkamali.”
Gayunman, may isang panghuhula sa ekonomiya na tiyak na matutupad, at ito’y walang kinalaman sa astrolohiya. Ang panghuhulang ito ay nakasulat sa Bibliya at kinasihan ni Jehova, ang Diyos na wala nang “kahit na napakaliit na tsansa na magkamali.” Siya ang “Diyos na hindi maaaring magsinungaling.” (Tito 1:2) Kaniyang pinapangyari na ihula ng kaniyang propetang si Ezekiel: “Kanilang ihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at ang kanilang mga ginto ay magiging isang maruming bagay. Ang kanilang pilak at ang kanilang ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila.”—Ezekiel 7:19.
Kailan mangyayari ito? Sa panahon ng napipintong “malaking kapighatian” na inihula ni Jesu-Kristo, at tinawag ni Ezekiel na “ang araw ng galit ni Jehova.” (Mateo 24:21; Ezekiel 7:19) Hindi makapagliligtas ang maunlad na negosyo, sa kabila nang inihuhula ng mga astrologo. Tanging ang pagtitiwala sa Diyos na Jehova, ang Dakilang Tagapagligtas, ang makagagarantiya ng kaligtasan sa panahon ng pambuong sanlibutang kaguluhang ito na aalisin ang lahat ng kasamaan—makapulitika, panrelihiyon, at pangkomersiyo.—Kawikaan 3:5, 6; Zefanias 2:3; 2 Pedro 2:9.