Ang Tubig ng Buhay
“ANG nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang nauuhaw ay pumarito; ang may ibig ay kumuhang walang-bayad ng tubig ng buhay.” (Apocalipsis 22:17) “Tubig ng buhay”—iyan ay nangangahulugan ng lahat ng paglalaan ng Diyos para sa ating kaligtasan salig sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Ang mga paglalaang ito ay makukuha, at walang-bayad. Anong kahanga-hangang pagkabukas-palad ng ating Diyos! Subalit, bakit nga, ang mga ito ay sinasagisagan ng tubig?
Buweno, dahil sa literal na tubig ay tumutubo ang halaman sa lupa, at posible ang buhay ng tao. Kung walang tubig, ang halaman, at sa gayo’y ang tao, ay hindi iiral. Gayundin, ang iyong katawan ay 65 porsiyentong tubig. Ang ilang espesyalista sa kalusugan ay nagrerekomenda na panatilihin ang panumbasang iyan sa pamamagitan ng pag-inom ng 2.4 litro ng tubig bawat araw. Ang lahat ng iyong panloob na mga sistema ukol sa buhay—buhat sa pagtunaw ng pagkain hanggang sa paglalabas ng dumi—ay nangangailangan ng tubig. Kung sanlinggong wala kang tubig, mamamatay ka.
Gayundin naman, dahilan sa “tubig ng buhay” posible at nakapagpapatuloy ang espirituwal na buhay. Kung ating tatanggihan ang tubig ng buhay, tayo’y hindi magkakaroon ng walang-hanggang kinabukasan. (Juan 3:36) Kung tatanggapin natin ito, makapagtatamo tayo ng buhay na walang-hanggan. Hindi nakapagtatakang tumugon nang may pananabik ang babaing Samaritana nang sabihan siya ni Jesus: “Sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi na mauuhaw kailanman, ngunit ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging sa kaniya’y isang bukal ng tubig na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang-hanggan.”! (Juan 4:14) Harinawang tayo’y magkaroon ng katulad na pananabik at kumuhang walang-bayad ng tubig ng buhay.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Garo Nalbandian