Tulad ng mga Balang
IKAW ba ay nakapamasyal na sa parang sa tag-araw at nakita mo ba ang napakaraming balang na palundag-lundag sa iyong daraanan? Wari ngang sila’y nasa lahat ng dako, bagaman hindi mo sila gaanong binigyan ng pansin. Gayunman, sila’y tila hindi nakapipinsala at walang kabuluhan.
Subalit, ang talagang kawalang-kabuluhan ng mga balang ang dahilan kung kaya sila’y angkop na sagisag ng sangkatauhan. Bagaman itinuturing ng ilang prominenteng tao na lubhang mahalaga ang kanilang sarili, iba ang nasa isip ng ating Maylikha. Sinabi ng kaniyang propetang si Isaias: “May Isa na tumatahan sa itaas ng balantok ng lupa, na ang mga nananahan ay mistulang mga balang.”—Isaias 40:22.
Ang kadakilaan, kapangyarihan, at karunungan ng Diyos na Jehova ay nagtataas sa kaniya nang makapupong higit sa kinaroroonan ng hamak na mga tao, kung papaanong ang tao ay makapupong nakahihigit sa balang sa pag-iisip at kapangyarihan. Gayunman, ang pinakamataas na katangian ng Diyos ay pag-ibig. At ang kaniyang walang-katulad na pag-ibig ay nag-uudyok sa kaniya na tayo’y bigyang-pansin, tayo’y tulungan, at iligtas tayo—kung tayo’y umiibig at sumusunod sa kaniya. Si Jehova ay nakikitungo sa atin nang may pag-ibig, kahit na tayo’y gaya ng walang-kabuluhang mga balang. Sinabi ng salmista: “Sino ang gaya ni Jehova na ating Diyos, na tumatahan sa itaas? Siya’y nagpapakababa sa pagtingin sa mga bagay sa langit at sa lupa, ibinabangon ang dukha mula sa mismong alabok.”—Awit 113:5-7.
Gaya ng ipinaliliwanag ng awit na ito, maibiging nagbibigay si Jehova ng tulong sa dukha. Oo, Kaniyang tinutulungan yaong mga mapakumbabang ‘humahanap sa Diyos upang tunay ngang kanilang masumpungan siya.’ (Gawa 17:27) Yaong mga nakakasumpong sa Diyos—at naglilingkod sa kaniya—ay nagiging lalong mahalaga sa kaniyang paningin. (Ihambing ang Isaias 43:4, 10.) Ang mapagpakumbabang balang kung gayon ay nagpapaalaala sa atin ng ating sariling kawalang-kabuluhan at ng pag-ibig ng ating Maylikhang makapangyarihan-sa-lahat, na nagkakaloob sa masunuring mga tao ng kaniyang pakikipagkaibigan at di-sana-nararapat na awa. Ikaw ba’y nagpapakita ng pagpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos?