Ikaw ba’y Nakapagpaalab Na ng Isang Sunog sa Gubat?
SIYEMPRE HINDI, sasabihin mo. Subalit hintay! Baka nagawa mo na iyon. Pakinggan ang mga salita ng alagad na si Santiago: “Ang dila ay isang maliit na sangkap ngunit maraming ipinangangalandakan. Narito! Anong laking gubat ang pinag-aalab ng pagkaliit-liit na apoy!”—Santiago 3:5.
Ang dila ay isang mahalagang sangkap sa pagsasalita, ngunit anong dalas na ito’y nagagamit sa maling paraan! Ginagamit ng mga tao ang dila upang magsinungaling at manira sa iba. Sa pamamagitan nito ay hayagang pinipintasan nila ang iba, sinisira ang kanilang mabuting pangalan, at dinadaya sila. Ginagamit ng pulitikal na mga lider ang kanilang dila upang magpasimuno ng rebolusyon. Ginamit ni Adolf Hitler ang kaniyang dila upang ihanda ang isang bansa para sa digmaan—isa ngang ‘sunog sa gubat’!
Kahit na yaong mga taong may mabubuting motibo ay maaaring pagmulan ng maliliit na ‘sunog sa gubat.’ Ikaw ba ay may nasabing isang bagay at pagkatapos ay ibig mong agad na bawiin iyon? Kung gayon, nauunawaan mo ang ibig sabihin ni Santiago na: “Ang dila, hindi ito napapaamo ng sinumang tao.”—Santiago 3:8.
Gayunpaman, mapagsisikapan natin na gamitin ang ating dila sa ikabubuti. Tulad ng salmista, buong katatagan na masasabi natin: “Ako’y mag-iingat sa aking mga lakad upang huwag akong magkasala ng aking dila.” (Awit 39:1) Imbes na pintasan ang mga tao, pagsikapan nating patibayin sila. Imbes na manira sa iba, ang mabuti ang sabihin natin tungkol sa mga tao. Imbes na dayain at linlangin sila, tayo’y makapagsasalita ng katotohanan at makapagtuturo. Pagka ang motibo’y udyok ng isang mabuting puso, ang dila ay makapagsasalita ng kahanga-hangang mga salitang nagpapagaling. Ginamit ni Jesus ang kaniyang dila sa isang kamangha-manghang paraan upang turuan ang sangkatauhan ng tungkol sa kaligtasan.
Tunay, “ang kamatayan at ang buhay ay nasa kapangyarihan ng dila.” (Kawikaan 18:21) Ang iyo bang dila ay nagdadala ng kamatayan o nagbibigay ng buhay? Ito ba’y nagsisimula ng mga ‘sunog sa gubat’ o pinapatay nito ang mga iyan? Ang salmista ay nanalangin sa Diyos: “Harinawang awitin ng aking dila ang iyong salita, sapagkat lahat ng iyong mga utos ay matuwid.” (Awit 119:172) Kung ating lilinangin ang saloobin ng salmista, tayo man ay makagagamit ng ating dila sa mabuting paraan.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
U.S. Forest Service photo