Tulad ng Isang Punungkahoy
“POEMS are made by fools like me, but only God can make a tree.” Sa pagpuri sa maraming kagalingan ng mga punungkahoy, ang Diyos ang binigyan ng kapurihan ng makatang si Joyce Kilmer sa pagkalalang sa kanila.
Gumawa ang Diyos na Jehova ng mga punungkahoy na may sari-saring uri, kaningningan, at paggagamitan. Kapuwa ang maliliit na punò at pambihirang malalaking punò, ay maaaring napakaganda anupat mahirap mailarawan. Isa pa, ang mga punungkahoy ay nagbibigay ng pagkain, panggatong, at tirahan. At ang mga disenyador ay patuloy na nakasusumpong ng mga bagong gamit ng kahoy.
Sa Bibliya, ang mga punungkahoy ay kung minsan makasagisag na ginagamit upang kumatawan sa mga kaharian, mga hari, at mga tao. (Ezekiel 31:1-18; Daniel 4:10-26) Ang mga punungkahoy ay binabanggit kaugnay ng may kagalakan, mapayapa, at mabungang mga kalagayan na resulta ng paghahari ni Jehova at ng muling pagkabalik ng kaniyang bayan. (1 Cronica 16:33; Isaias 55:12; Ezekiel 34:27; 36:30) Ipinangangako rin ng Kasulatan na ang mga araw ng bayan ng Diyos ay magiging katulad ng sa isang punungkahoy. (Isaias 65:22) Ito’y may malawak na kahulugan pagka ating natalos na may ilang punungkahoy na nabubuhay sa loob ng daan-daang taon.
Ang isang salmista sa Bibliya ay nagsabi na ang isang taong nalulugod sa kautusan ng Diyos “ay tiyak na magiging parang punungkahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan at ang kaniyang dahon ay hindi nalalanta, at lahat niyang gawin ay magtatagumpay.” Ang isang malagong punungkahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig ay nagpagunita sa salmista ng espirituwal na kasaganaan na tinatamasa ng isa na “ang kaluguran ay nasa kautusan ni Jehova.” (Awit 1:1-3) Kung ikaw ay tunay na nalulugod sa kautusan at Banal na Salita ng Diyos, ang iyong mga araw ay maaaring maging gaya ng sa isang punungkahoy. Sa katunayan, sa pagkilos na kasuwato ng tumpak na kaalaman sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo, maaari mong taglayin ang pag-asa na buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.