Mapapakinabangan Mo ba ang mga Iyan?
ANG magasing hawak mo ay dinisenyo upang maging pampatibay-loob, ipinagugunita ang mga alituntunin ng Bibliya upang maging matatag ang mga pamilya at makapanatili sa kanilang katapatan. Ipinakikita nito na ang kasalukuyang maligalig na mga panahon ay inihula sa Bibliya, at itinatampok nito ang lunas—ang pamahalaan ng Kaharian ng Diyos. Mapapakinabangan mo ba Ang Bantayan at ang Gumising!, na kasamahang magasin nito?
Buhat sa Pilipinas isang babaing nagngangalang Vilma ang sumulat: “Kung mayroon mang salita na maglalarawan sa inyong publikasyon, sa palagay ko ang aking pipiliin ay ‘kamangha-mangha.’ Nakita ko at nabasa sa unang pagkakataon ang inyong Gumising! at Ang Bantayan samantalang ako’y nakasakay sa bus habang pauwi buhat sa Maynila. Karaniwan nang may dala akong mga peryodiko pagka ako’y naglalakbay, ngunit nang pagkakataong ito ay hindi ako nagdala.
“Nakaupo sa tabi ko sa biyaheng iyon ang isang nasa katanghaliang edad na lalaking mayroon ng inyong mga publikasyon. Pagkatapos na mabasa ang Gumising!, siya’y naglabas ng isa pang magasin, Ang Bantayan. Sinamantala ko ang pagkakataon na hiramin ang Gumising! Sa totoo lamang, talagang nasiyahan ako sa pagbabasa sa mga magasing iyon sapagkat ang mga artikulo ay pawang kawili-wiling basahin, napapanahon, at nagpapatibay.”
Nagtapos ang babae: “Ibig kong makatanggap ng inyong mga magasin. Pakisuyong ipagbigay-alam sa akin kung papaano ako makatatanggap ng mga iyan.” Ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas ay nalulugod na tumulong sa pamamagitan ng pagdaragdag ng pangalan ng babaing ito sa kanilang listahan ng mga pinadadalhan niyaon sa pamamagitan ng koreo.