Sino ang Naniniwala sa Masasamang Espiritu?
IKAW ba’y naniniwala na ang di-nakikitang mga espiritu ay makaiimpluwensiya sa iyong buhay? Marami ang sasagot ng isang mariing hindi. Samantalang kinikilala ang pag-iral ng Diyos, kanilang kinukutya ang idea na may nakatataas-sa-taong mga manggagawa ng kasamaan.
Ang isang dahilan ng malaganap na kawalang paniniwala sa mga espiritu sa Kanluraning daigdig ay ang impluwensiya ng Sangkakristiyanuhan, na sa daan-daang taon ay nagturo na ang lupa ang sentro ng sansinukob, nasa pagitan ng langit at ng isang maapoy na impiyerno sa ilalim ng lupa. Sang-ayon sa turong ito, ang mga anghel ay nagtatamasa ng walang-kahulilip na kaligayahan sa langit samantalang ang mga demonyo ang nangangasiwa ng pamamalakad sa impiyerno.
Habang ang mga natutuklasan sa siyensiya ay nagpangyaring tanggihan ng mga tao ang mga maling idea tungkol sa kaayusan ng sansinukob, ang paniniwala sa mga nilikhang espiritu ay hindi na uso. Sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Pagkatapos ng Copernican revolution noong ika-16 na siglo (batay sa mga teoriya ng astronomong Polako na si Copernicus), na doon . . . ang Lupa ay hindi na itinuturing na sentro ng uniberso kundi, sa halip, isa lamang planeta ng sistema solar na isang napakaliit na bahagi ng isang galaksi sa isang tila walang-hanggang sansinukob—ang mga idea tungkol sa mga anghel at mga demonyo ay waring hindi na angkop.”
Samantalang marami ang hindi naniniwala sa masasamang espiritu, angaw-angaw ang naniniwala. Ang nagkasalang mga anghel ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa maraming relihiyon, kapuwa noong nakaraan at sa kasalukuyan. Bukod sa kanilang ginagampanang papel bilang mga sumisira ng espirituwalidad, ang masasamang anghel na ito ay minamalas bilang mga ahente ng kapahamakan, tulad halimbawa ng digmaan, taggutom, at mga lindol, gayundin bilang mga sanhi ng sakit, pagkasira ng isip, at kamatayan.
Si Satanas na Diyablo, ang pangunahing masamang espiritu sa Kristiyanismo at Judaismo, ay tinatawag na Iblis ng mga Muslim. Sa sinaunang relihiyong Zoroastrianismo ng mga taga-Persia, siya’y lumilitaw bilang si Angra Mainyu. Sa relihiyong Gnostiko, na umunlad noong ikalawa at ikatlong siglo C.E., siya ay inaakalang ang Demiurge, ang terminong ikinapit sa isang naninibugho at mababang diyos na sinasamba ng karamihan sa sangkatauhan dahil sa kawalang-alam.
Ang nakabababang mga espiritu ng kasamaan ay tanyag sa mga relihiyong Silanganin. Ang mga Hindu ay naniniwala na ang mga asura (mga demonyo) ay salungat sa mga deva (mga diyos). Ang lalo nang kinatatakutan sa mga asura ay ang mga rakshasa, napakapangit na mga kinapal na naroon sa mga sementeryo.
Ang mga demonyo ay itinuturing ng mga Budista bilang mga puwersang may personalidad na humahadlang sa tao sa pagtatamo ng Nirvana, ang pagkaparam ng pagnanasa. Isang pangunahing manunukso ay si Mara, kasama ang kaniyang tatlong anak na babae na sina Rati (Pagnanasa), Raga (Kaluguran), at Tanha (Pagkabalisa).
Ang mga sumasambang Intsik ay gumagamit ng mga siga, sulo, at mga labintador upang magsilbing proteksiyon laban sa kuei, o mga demonyo sa kalikasan. May paniwala rin sa mga relihiyong Hapones na may maraming demonyo, kasali na ang nakasisindak na tengu, mga espiritung umaalipin sa mga tao hanggang sa sila’y palayasin ng isang pari.
Sa mga relihiyon na walang nasusulat na wika na nasa Asia, Aprika, Oceania, at Amerika, ang mga espiritung nilalang ay pinaniniwalaang makatutulong o makapipinsala ayon sa mga kalagayan at sa kanilang umiiral na kalooban. Ang mga espiritung ito ay sinasamba ng mga tao upang maiwasan ang kalamidad at tumanggap ng mga pabor.
Karagdagan pa sa lahat ng ito ang malaganap na interes sa magic at sa espiritismo, at maliwanag na ang paniniwala sa masasamang espiritu ay may mahaba at laganap na kasaysayan. Ngunit makatuwiran bang maniwala na ang gayong mga nilalang ay umiiral? Oo ang sagot ng Bibliya. Gayunman, kung sila’y umiiral, bakit pinapayagan sila ng Diyos na ipahamak ang tao?