Mabuting Balita Buhat sa Malawi!
NOONG Nobyembre 15, 1993, ang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ay opisyal na naparehistro sa timog-silangang bansa ng Malawi sa Aprika. Ito’y magbibigay sa mga Saksi ni Jehova ng legal na pagkilala at kalayaang mangaral ng mga katotohanan ng Bibliya sa mga mamamayan ng Malawi.
Noon pang 1948, isang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower ang itinatag sa Malawi upang pangasiwaan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa bansang iyan. Noong Enero 8, 1957, ang Samahang Watch Tower ay inirehistro roon sa unang pagkakataon. Sa loob ng maraming taon ang mga Saksi ni Jehova ay nagtamasa ng mabilis na pagsulong. Subalit sumiklab ang marahas na pag-uusig noong 1964. Bakit?
Bilang pagsunod sa Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay nanatiling lubusang walang pinapanigan sa pulitika. (Juan 17:16) Maliwanag na hindi pa ganap na nauunawaan ng ilan ang maka-Kasulatang paninindigang ito at maling ipinakilala ang mga Saksi bilang isang radikal na relihiyon at mga manliligalig. Sa gayon, inakala ng ilan na sila’y may katuwiran sa kanilang pag-uusig sa mga Kristiyanong ito na maibigin sa kapayapaan. Maraming Saksi ang inalis sa kanilang trabaho, binugbog, at sa ibang paraan ay hiniya. Ang ilan ay sapilitang inihiwalay sa kanilang mga anak.
Noong 1972 mahigit na 30,000 Saksi at ilang nakikipag-aral sa kanila ng Bibliya ang kinailangang umalis sa bansa sa pangambang sila’y mawalan ng buhay. Libu-libo ang nanirahan sa kampo ng mga takas sa kalapit na Mozambique. Subalit noong 1975, ang mga takas na ito ay pinabalik sa Malawi, na kung saan sila’y napaharap sa higit pang pag-uusig. Marami ang inilagay sa mga kampong piitan. Sa gitna ng kaguluhang ito, ang Samahang Watch Tower ay inalis sa opisyal na listahan ng legal na mga organisasyon sa Malawi. Mula noon ang mga Saksi ni Jehova at ang kanilang legal na mga organisasyon ay ipinagbawal sa lupaing iyan.
Sa kabila ng lahat ng pangyayaring ito, hindi gumanti ang mga Saksi. Sila’y hindi nagtatag ng grupo ng mga mang-uumog o nanggulo bilang protesta laban sa pamahalaan. Sa halip, may lakip-panalangin na sila’y nanatili sa kanilang pananagutang Kristiyano na magpakita ng nararapat na pagkilala at paggalang sa “nakatataas na mga awtoridad” ng pamahalaan. (Roma 13:1-7; 1 Timoteo 2:1, 2) Itinaguyod din ng mga Saksi ang matataas na pamantayan ng Kristiyanong pamumuhay na nakasaad sa Bibliya at sa gayo’y patuloy na nagpakita ng mahusay na halimbawa ng paggawi.
Taglay ang kanilang bagong natamong kalayaan, ang mga Saksi ni Jehova sa Malawi ay determinado ngayon na magpatuloy ng apurahang pangangaral ng mga katotohanan sa Bibliya, “sa kaayaayang kapanahunan.”—2 Timoteo 4:2.
[Larawan sa pahina 31]
Si M.G. Henschel kasama ng pamilyang Bethel sa Malawi noong mga taon ng 1960