Mga Sulat na May Natatanging Kahulugan
“IEHOVA SIT TIBI CUSTOS”
ANG mga salitang ito na nakasulat sa pader sa harap ng isang bahay na yari noong ika-17 siglo sa Celerina, silanganing Switzerland, ay nangangahulugang “Si Jehova ang maging iyong tagapagtanggol.” Sa bulubunduking lugar na ito, pangkaraniwan nang masumpungan ang pangalan ng Diyos na nakaukit o nakapinta sa antigong mga bahay, simbahan, at mga kombento. Papaano naging kilalang-kilala ang pangalang Jehova?
Ang sinaunang Rhaetia (binubuo ng mga bahagi ng ngayo’y timog-silanganing Alemanya, Austria, at silanganing Switzerland) ay naging isang lalawigang Romano noong 15 B.C.E. Ang mga tagaroon ay nakapagsasalita ng Romansh, isang wikang batay sa Latin na umunlad hanggang sa maging maraming diyalekto na ginagamit pa rin sa ilan sa Alpinong mga libis ng Switzerland at hilagang Italia.
Sumapit ang panahon, ang mga bahagi ng Bibliya ay isinalin sa Romansh. Ang isang edisyon, ang Biblia Pitschna, ay nagtataglay ng Mga Awit at ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa Bibliyang ito, na inilathala noong 1666, ang pangalang Iehova ay lumitaw ng maraming ulit sa buong Mga Awit. Yamang ang Bibliya ang pangunahing binabasa sa tahanan, ang mga mambabasa ng Biblia Pitschna ay naging pamilyar sa pangalan ng Maylikha.
Subalit, ang humaliling mga salinlahi ay nawalan ng interes sa mga bagay tungkol sa Bibliya. Marami ang hindi nag-abalang mag-usisa kung ano ang ibig sabihin ng salitang “Iehova,” ni nagsikap man ang klero na ipaliwanag iyon. Sa gayon, ang mga sulat na ito ay naging mga palamuti lamang na nagpapagunita ng isang lumipas na panahon.
Sa nakalipas na mga dekada ay nagaganap ang isang pambihirang pagbabago sa pagkaunawa. Ang mga Saksi ni Jehova ay umahon mula sa mga kapatagan, anupat nagbabakasyon sa magagandang libis na ito at gumagawa ng pantanging pagsisikap na turuan ang mga tagaroon tungkol sa Diyos na ang pangalan ay Jehova. Ang ilang Saksi ay nanirahan na sa lugar na iyon upang makagugol sila ng higit na panahon sa pagsasabi sa mga tao ng tungkol sa kahanga-hangang mga layunin ng Maylikha para sa lupa at para sa tao. Sa gayon, ang antigong mga sulat na Romansh na ito ay nagkakaroon ng bagong kahulugan samantalang natututo ang mga tao tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova.
[Mga larawan sa pahina 32]
IEHOVA PORTIO MEA: Si Jehova ang aking bahagi.—Tingnan ang Awit 119:57