Natatandaan Mo Ba?
Nasumpungan mo bang may praktikal na halaga sa iyo ang kamakailang isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon ay bakit hindi subukin ang iyong memorya sa pamamagitan ng sumusunod na mga tanong:
▫ Bakit patuloy na dumadalaw ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang kapuwa?
Nais ng mga Saksi ni Jehova mismo ang pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Kaharian, at udyok ng pag-ibig sa kanilang kapuwa, nais nila ang gayunding mga pagpapala para sa kanila. Kaya naman, bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesus, inuudyukan sila ng walang pag-iimbot na pag-ibig upang dalawin ang kanilang kapuwa. (Mateo 6:9, 10; 22:37-39)—8/15, pahina 8, 9.
▫ Bakit ang pagtanggap sa ebolusyon ay isang paniniwala lamang?
Ang mga siyentipiko ay hindi pa nakakita kailanman ng mutations—kahit yaong mga kapaki-pakinabang—na nagbubunga ng bagong mga anyo ng buhay, subalit inaangkin ng mga ebolusyonista na ganito ang paraan ng paglitaw ng mga bagong uri. Hindi pa nasasaksihan ng mga ebolusyonista ang kusang paglitaw ng buhay, gayunma’y iginigiit nila na ganito ang pinagmulan ng buhay.—9/1, pahina 5.
▫ Papaano natin pinakamabisang mapagtatagumpayan ang panghihina ng loob na resulta ng mga pagbabawal sa buhay?
Anuman ang ating kalagayan, kung ipapako natin ang ating kaisipan sa maaari nating magawa sa halip na sa ating hindi maaaring magawa, magiging lalong kasiya-siya ang buhay, at makasusumpong tayo ng kaligayahan sa paglilingkod sa Diyos. (Awit 126:5, 6)—9/1, pahina 28.
▫ Ano ang mga kapakinabangan sa pagpapatawad?
Ang pagpapatawad sa iba ay nagtataguyod ng mabubuting ugnayan (Efeso 4:32); ito ay nagdudulot ng kapayapaan hindi lamang sa pagitan ng mga kapuwa tao kundi ng panloob na kapayapaan din naman (Roma 14:19; Colosas 3:13-15); ang pagpapatawad sa iba ay nagbibigay-daan upang patawarin ang ating mga kasalanan (Mateo 6:14); at, tumutulong ito sa atin upang alalahanin na tayo mismo ay nangangailangan ng kapatawaran. (Roma 3:23)—9/15, pahina 7.
▫ Papaano nakatutulong sa ating gawaing pangangaral ang halimbawa ni propeta Amos?
Tulad ni Amos, hindi natin binabago ni binabantuan man ang mensahe ng Diyos. Sa halip, masunuring inihahayag natin iyon anuman ang pagtugon ng ating mga tagapakinig.—9/15, pahina 17.
▫ Anong mga katangian ng Diyos ang dapat nating tularan?
Ang dalawang mahahalagang katangian ay yaong kakayahan ni Jehova na mag-organisa at ang kaniyang kaligayahan. (1 Corinto 14:33; 1 Timoteo 1:11) Ang mga katangiang ito ng Diyos ay timbang, kaya ang isa rito ay hindi pinangingibabaw anupat nakasasama naman doon sa isa.—10/1, pahina 10.
▫ Ano ang ilang positibong mga hakbang na ginawa ng mga magulang upang tulungan ang kanilang mga anak na paglingkuran si Jehova?
Ang isang mahalagang susi ay ang magsimula nang maaga. Ang mga naikintal at mga aral na natutuhan sa maagang mga taon ay tatagal nang panghabang-buhay. (Kawikaan 22:6) Mahalaga na turuan sila ng pagsunod at paggalang kay Jehova at ng pagsamba sa kaniya sa lahat ng pulong. Ang matagumpay na mga magulang ay natutong kumilala ng mga maling hilig, at tinutulungan nila ang kanilang mga anak na maituwid ang mga ito. (Kawikaan 22:15) Bilang panghuli, magsimula nang maaga upang magtakda para sa inyong anak ng teokratikong mga tunguhin na makatuwirang maaabot niya.—10/1, pahina 27-8.
▫ Anong pagkakakilanlang katangian ng pagpapatawad ni Jehova ang dapat na sikapin nating isagawa?
Si Jehova ay kapuwa nagpapatawad at lumilimot. (Jeremias 31:34) Mahirap para sa mga taong nilalang na gawin ito. Ang kahalagahan ng paggawa nito ay idiniin ni Jesus, gaya ng nakaulat sa Mateo 6:14, 15.—10/15, pahina 25-6.
▫ Ano ang tatlong hadlang sa ating pagiging madamayin?
Dahil sa ating likas na pagiging makasalanan, ang pagkainggit ay maaaring mag-ugat. Kung tayo ay naiinggit sa isang tao, papaano natin siya mapakikitunguhan nang may pagkamadamayin? Ang di-kinakailangang pagkalantad sa karahasan ay isa pang hadlang. Magagawa tayo nitong maging walang pakiramdam sa pagdurusa ng iba. Isa pa, ang isang makasariling tao ay malamang na hindi madamayin. (1 Juan 3:17)—11/1, pahina 19, 20.
▫ Anong mga aral ang matututuhan buhat sa maka-Kasulatang ulat tungkol kay Job?
Ang ulat ng Job ay nagpapangyari sa atin na maging listo sa mga pakana ni Satanas at tumutulong sa atin na makita kung papaanong ang pansansinukob na soberanya ni Jehova ay may kaugnayan sa katapatan ng mga tao. Tulad ni Job, lahat ng umiibig sa Diyos ay dapat subukin. Makapagbabata rin tayo gaya ni Job, mapatutunayang sinungaling si Satanas, at tatamasahin ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos.—11/15, pahina 20.
▫ Papaano maipakikita ng tsirman ng lupon ng matatanda ang angkop na pagpapahalaga sa bawat matanda?
Kailanma’t posible ang tsirman ay dapat na patiunang maglaan ng talaan ng pag-uusapan upang magkaroon ng sapat na panahon para sa maingat at may pananalanging pagsasaalang-alang ng bawat puntong nakatala. Sa pulong ng matatanda, hindi niya sisikaping impluwensiyahan ang opinyon ng matatanda kundi patitibaying-loob sila na gamitin ang “kalayaan sa pagsasalita” tungkol sa mga bagay na pinag-uusapan. (1 Timoteo 3:13)—12/1, pahina 30.