Maliit Ngunit Makapangyarihan
SI Robert, isang binata buhat sa Canada, ay naglakbay sa buong Europa sa paghahanap ng kaniyang layunin sa buhay. Maraming bagay ang nakita niya na nagpangyaring makadama siya ng kawalang-pag-asa tungkol sa hinaharap.
Samantalang nakaupo sa isang restawran sa Seville, Espanya, may nag-abot kay Robert ng isang tract na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Sa simula, nag-alinlangan si Robert. “Gayunpaman, binasa ko iyon,” sabi niya. “Hindi ko maipaliwanag, pero nadama kong may isang bagay na biglang naging maliwanag sa akin. Sa aking mga paglalakbay, nakakita ako ng maraming uri ng panlulumo at pagkabigo ng tao, at ako’y nasiphayo dahil wala akong magawa upang baguhin ang mga bagay-bagay. Pagkabasa ng tract, naitanong ko, ‘Posible kayang umiral ang “bagong sanlibutan” na ito?’ Kung gayon, naisip ko, ‘Oo, marahil posible iyon.’ ”
Taglay ang napanumbalik na pag-asa, sumulat si Robert sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Canada, na hinihiling na may dumalaw sa kaniya pag-uwi niya at tulungan siyang maunawaan ang Bibliya.
Walang alinlangan, ang salitang binigkas ay makapangyarihan. Gayunman, huwag maliitin ang kapangyarihan ng inilimbag na mensahe. Gaano man kaliit, may mabisang pang-akit ang mga publikasyong salig sa Bibliya. Ang mga ito ay nakaaantig ng isip at puso, anupat nagbibigay ng isang tiyak na pag-asa para sa hinaharap.—Hebreo 4:12.