“Wala Pa Akong Nakitang Ganito Kailanman!”
NOONG 1993 ang tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Argentina ay inanyayahang magpadala ng isang libong delegado sa Santiago, Chile, para sa apat-na-araw na “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na naanyayahan ang mga Saksing taga-Argentina na maglakbay bilang isang malaking grupo patungo sa isang kombensiyon sa ibang bansa.a Ang tugon? Mahigit na 8,500 aplikasyon ang pumasok, na mula roo’y 1,039 delegado ang pinili.
Sa kabuuan ay 14 na bus ang inarkila upang isagawa ang 1,400-kilometrong paglalakbay mula Buenos Aires hanggang Santiago. Ang 26-na-oras na biyahe ay lalong pinaganda ng nakagigilalas na mga tanawin. Sa pagtawid sa Andes Mountains, ang mga delegado ay dumaan malapit sa Aconcagua, sa taas na 6,960 metro ang pinakamataas na taluktok sa Western Hemisphere. Ang lalo nang di-malilimutan ay ang matarik, paliku-likong paglusong sa Chile. Tumanggap ng masigabong palakpakan ang mga tsuper ng bus dahil sa kanilang ipinakitang kasanayan sa pagmamaneho sa mahirap na daan!
Gayunman, ang pinakamagandang tanawin ay natagpuan sa kombensiyon mismo. Sa isang sanlibutang punô ng pambansang alitan at igtingan ng lahi, totoong nakarerepreskong makita ang naroroong nagkakaisang pulutong na 80,000 mula sa 24 na bansa—tunay na isang internasyonal na kapatiran! Sa pagkakita mismo ng pagkakaisa sa gitna ng mga dumalo sa kombensiyon, ang ilan sa mga tsuper ng bus ay nagpahayag ng kanilang interes na matuto pa ng tungkol sa mga Saksi ni Jehova. “Wala pa akong nakitang ganito kailanman!” ang bulalas ng isa sa kanila.
[Talababa]
a Ang mga pampamahalaang paghihigpit sa Argentina mula 1949 hanggang 1982 ang nagpaging imposible sa gawaing ito.