Mga Barya na Taglay ang Pangalan ng Diyos
MASDANG mabuti ang mga baryang pilak na makikita rito. Ang mga ito ay ipinagawa ng monarkang Aleman na si Wilhelm V noong kaniyang paghahari mula 1627 hanggang 1637. Noon, nagaganap sa gitnang Europa ang Tatlumpung Taóng Digmaan, isang labanan sa pagitan ng mga Katoliko at mga Protestante. Si Wilhelm V ay pumanig sa kapakanang Protestante. Upang matustusan ang napakalaking gastos sa labanang iyon, kinuha niya ang lahat ng kaniyang pilak at gumawa ng mga barya mula dito.
Kapansin-pansin, ang mga ilustrasyon sa marami sa mga barya ay naglalarawan sa araw na pumapalibot sa pangalan ng Diyos, na Jehova, na nasa anyo ng Hebreong Tetragrammaton. Mayroon ding puno ng palma, na nagpapahiwatig ng lakas. Nangangahulugan ito na ang punò, bagaman ibinaluktot na ng hangin, ay nananatiling matatag sa ilalim ng proteksiyon ng Diyos. Ang inskripsiyon sa Latin na nasa barya ay nagtataglay ng pangalang Jehova at nagpapahayag ng pagtitiwala sa kaniyang ligtas na pangangalaga.
Sa halip na humiling ng proteksiyon ng Diyos, ang gayong paggamit ng pangalan ng Diyos ay tunay na walang kabuluhan, sapagkat si Jehova ay walang pinapanigan sa mararahas na pagbabaka ng sangkatauhan. Oo, ang Tatlumpung Taóng Digmaan ay walang pagsang-ayon ng Diyos. “Ayon sa isang katamtamang pagtaya,” sabi ng Funk & Wagnalls New Encyclopedia, “di-kukulangin sa kalahati ng bayang Aleman ang pumanaw noong digmaan. Di-mabilang na mga lunsod, bayan, nayon, at mga bukid sa Alemanya ang lubusang nawasak. Humigit-kumulang sa dalawang katlo ng mga pasilidad sa industriya, agrikultura, at komersiyo sa Alemanya ang nagiba.”
Ang paggamit ng pangalang Jehova sa mga baryang ito ay nagpapagunita sa utos na ibinigay sa Israel: “Huwag mong babanggitin ang pangalan ni Jehovang iyong Diyos sa walang kabuluhan.” (Exodo 20:7) Gayunpaman, ang mga baryang ito ay nagpapatotoo na ang banal na pangalan, na Jehova, ay matagal nang alam ng mga tao sa Alemanya. Gaano kalaki ang nalalaman mo tungkol sa Diyos na may ganiyang pangalan?