Mga Manghuhula ng Pangyayari—Papaano Sila Minamalas ng Diyos?
ANG mga manghuhula ng pangyayari ay mga taong nag-aangking may kakayahang sabihin nang patiuna kung ano ang magaganap sa hinaharap, na sa mga ito ay kabilang ang tinatawag ng Bibliya na mga saserdoteng nagsasagawa ng madyik, makaespiritung manghuhula, astrologo, at iba pa. Ang Hebreong salita na yid·de‘o·niʹ, na isinaling “propesyonal na manghuhula ng mga pangyayari,” ay nanggaling sa ugat na ya·dha‘ʹ (alam) at nagpapahiwatig ng kaalamang lingid sa pangkaraniwang tao. Ito’y madalas na lumilitaw kaugnay ng ’ohv, na nangangahulugang “medyum ng espiritu.” (Deuteronomio 18:11) Ang ilang tao ay may kapangyarihang okulto dahil sa pakikipagkaugnayan sa mga demonyo, ang balakyot na anghelikong mga kaaway ng Diyos sa ilalim ni Satanas na Diyablo, na siyang tagapamahala ng mga demonyo. (Lucas 11:14-20) Noong sinaunang panahon iba’t ibang paraan ang ginamit ng mga manghuhulang ito sa pagkuha ng kanilang mensaheng ihuhula: pagmamasid sa mga bituin (Isaias 47:13), pagsusuri sa atay at sa ibang sangkap ng inihaing mga hayop (Ezekiel 21:21), pagpapakahulugan sa mga tanda (2 Hari 21:6), pagsangguni sa di-umano’y espiritu ng mga patay, at iba pa.—Deuteronomio 18:11.
Ang buhay ng mga Ehipsiyo, tulad ng buhay ng mga taga-Babilonya, ay inugitan sa kalakhang bahagi ng kanilang mga manghuhula. (Isaias 19:3) Sa kabilang panig, ang tunay na mga lingkod ng Diyos ay hindi kailanman bumaling sa gayong mga tao para sa impormasyon. Nang ibigay ang Batas sa Israel di-nagtagal pagkatapos na sila’y makalaya buhat sa pagkaalipin sa Ehipto, sila’y mahigpit na pinagbawalang sumangguni sa “propesyonal na mga manghuhula ng pangyayari.” (Levitico 19:31) Ang “mahalay na pakikipagtalik” sa kanila ay magbubunga ng pagkaputol (sa kamatayan) buhat sa gitna ng bayan ng Diyos. At kung tungkol sa isa na nagsasagawa ng sining, ganito ang sabi ng batas: “Kung tungkol sa isang lalaki o babae na mapatunayang medyum ng espiritu o may espiritu ng panghuhula, sila’y papataying walang pagsala.” (Levitico 20:6, 27) Pagkaraan ng halos 40 taon, nang nakahanda na upang pumasok sa Lupang Pangako at itaboy ang mga naninirahan dito, pinaalalahanan ang Israel: “Huwag kang matututong gumawa ayon sa karumal-dumal na mga bagay ng mga bansang iyon. Huwag makasusumpong sa iyo . . . ng sinumang sumasangguni sa medyum ng espiritu o propesyonal na manghuhula ng mga pangyayari o sinumang sumasangguni sa mga patay.”—Deuteronomio 18:9-11.
Pagkaraan ng mahigit na 350 taon, inalis ng unang hari sa Israel, si Saul, mula sa lupain ang lahat ng manghuhula ng mga pangyayari, ngunit napalayo siya kay Jehova nang gayon na lamang bago siya namatay anupat personal na hinanap niya ang “isang babaing medyum ng espiritu sa En-dor” upang hulaan ang kaniyang hinaharap. Sa una’y natakot siyang isagawa ang kaniyang sining, subalit dahil sa pagpupumilit ni Saul na kaniyang “palitawin si Samuel,” siya’y nanawagan ukol sa isang pangitain. Inilarawan niya ang anyo nito bilang ‘isang matandang lalaki na nakasuot ng balabal.’ Kumbinsido si Saul na iyon nga ang propetang si Samuel. (1 Samuel 28:3, 7-19) Ngunit hindi maaaring iyon ay aktuwal na si Samuel, sapagkat patay na siya, at ang mga patay “ay wala nang kamalayan sa anumang bagay.” (Eclesiastes 9:5) Si Samuel, kung nabubuhay pa, ay tiyak na hindi magkakaroon ng anumang kaugnayan sa isang medyum ng espiritu, at hindi makikipagtulungan ang Diyos na Jehova o ang kaniyang banal na mga anghel sa gayong tao.
Halos 400 taon pagkatapos ng paghahari ni Saul, si Haring Manases ng Juda “ay gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ni Jehova, upang mungkahiin siya sa galit,” kasali na ang pagsangguni sa propesyonal na mga manghuhula ng pangyayari, na dumami sa ilalim ng kaniyang pamamahala. (2 Hari 21:6; 2 Cronica 33:6) Lahat ng ito ay kailangang alisin mula sa lupain sa pamamagitan ng apo ni Manases, ang matuwid na si Haring Josias.—2 Hari 23:24.
Ang tanging pagbanggit sa makademonyong paghula tungkol sa hinaharap sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay ang pangyayari na doo’y pinalaya ni apostol Pablo, sa lunsod ng Filipos, ang “isang alilang babae na may espiritu, isang demonyo ng panghuhula.” Pinaglalaanan niya noon ang kaniyang mga panginoon ng maraming pakinabang “sa pagsasagawa ng sining ng panghuhula.” Bilang katunayan na ang gayong gawain ay totoong makademonyo at lubusang salungat sa Diyos, ginulo si Pablo sa Filipos ng mga panginoon ng batang babae na mula sa kaniya’y pinalabas ang demonyo, anupat dinala si Pablo at ang kaniyang kasamang si Silas sa harap ng mga mahistrado, na nag-utos na bugbugin sila at itapon sila sa bilangguan.—Gawa 16:12, 16-24.