Ang mga Babae sa Buong Daigdig
NANG maghimagsik laban sa Diyos ang unang mag-asawa, inihula ni Jehova ang kapaha-pahamak na mga bunga na sasapit sa kanila at sa kanilang supling. Sinabi ni Jehova kay Eva: “Labis na pananabikan mo ang iyong asawa, at siya’y maghahari sa iyo.” (Genesis 3:16) Palaging pinasisigla ng Bibliya ang pagkakaroon ng matinding paggalang para sa mga babae, at milyun-milyon sa mga babae ang nagtatamasa ng mas maligaya, higit na kasiya-siyang pamumuhay dahil ikinakapit nila at ng kani-kanilang pamilya ang mga simulain ng Bibliya.
Gayunman, ayon sa isang kamakailang ulat hinggil sa mga karapatang pantao, maraming babae sa buong daigdig ang hinahamak, pinagsasamantalahan, at niwawalang-halaga. Nagkokomento tungkol sa ulat, ang International Herald Tribune ay nagsabi: “Sa napakaingat na detalye, inilalarawan ng ulat tungkol sa 193 bansa . . . ang isang malungkot na kalagayan ng araw-araw na pagtatangi at pang-aabuso.”
Ang ilang halimbawa: Sa sentral Aprika, kailangang gampanan ng mga babae ang karamihan sa mabibigat na gawain sa bukid, at ang nakapag-aaral sa kanila sa paaralan ay sangkatlo lamang ng dami ng mga kalalakihan. Sa isang bansa roon, labag sa batas ang pangangalunya para sa mga babae ngunit hindi para sa mga lalaki. Ang batas ng isa pang bansang Aprikano ay nagpapawalang-sala sa asawang lalaki na pumatay sa kaniyang asawa kung ito ay nasumpungan niyang nangangalunya, subalit hindi pinawawalang-sala ng batas ang isang asawang babae na pumatay sa kaniyang asawa sa nakakatulad na mga pangyayari.
Sinasabi ng ulat na sa ilang bahagi ng Timog Amerika, hindi nahahabag ang mga pulis sa binugbog na mga babae. At karaniwan nang kailangang magtiyaga ang nagtratrabahong mga babae sa sahod na mas mababa ng 30 hanggang 40 porsiyento kaysa sa mga lalaki.
Sa ilang bahagi ng Asia, ang mga babae ay biktima ng sapilitang pagpapatali at mga aborsiyon. Sa isang bansa, may 500,000 nagbibili ng aliw, na ang karamihan sa kanila ay ipinagbili para rito ng mga magulang na nangangailangan ng salapi upang makabili ng bagong mga tahanan para sa kanilang sarili. Kailangang harapin ng pulisya sa isa pang bansa ang pagdami ng “dowry deaths”—ang isang asawang babae ay pinapatay ng kaniyang asawa o ng pamilya nito dahil sa ang dote ng babae ay hindi nakaabot sa inaasahan.
Tungkol kay Jesu-Kristo, ang Bibliya ay tumitiyak sa atin: “Kaniyang ililigtas ang dukha na dumaraing sa paghingi ng tulong, pati ang napipighati at sinuman na walang katulong. Siya’y maaawa sa mapagpakumbaba at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay kaniyang ililigtas. Mula sa paniniil at mula sa karahasan ay kaniyang ililigtas ang kanilang kaluluwa, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang mga mata.” (Awit 72:12-14) Kaya mayroon tayong dahilan na hindi masiraan ng loob; ang mga babae sa buong daigdig ay makatitingin sa hinaharap ukol sa pinahusay na mga kalagayan na iiral sa panahong iyon.