Muling Isinaalang-alang ang Pagsasalin ng Dugo
SA MALUNGKOT na panahong ito ng AIDS, ang pinakamalaking panganib sa kalusugan ng isang pasyente sa ospital ay maaaring nakakubli sa silid-operasyon. “Walang paraan na magagawa naming maging lubusang ligtas ang suplay ng dugo,” ani Dr. Richard Spence, na mahigit nang sampung taon na nangangasiwa sa Center for Bloodless Surgery sa Cooper Hospital-University Medical Center sa Camden, New Jersey, E.U.A.
Hindi nga kataka-taka na sa center na ito nagpapagamot ang marami sa mga Saksi ni Jehova, na kilalang-kilala ang salig-Bibliyang pagtanggi na pasalin ng dugo. (Levitico 17:11; Gawa 15:28, 29) Gayunman, may ilang di-Saksing pasyente na nagpupunta roon, palibhasa’y nababahala sa potensiyal na mga panganib ng pagsasalin ng dugo, kasali na rito ang pagkahawa ng hepatitis, AIDS, at iba pang mga sakit. “Ang paglaganap ng AIDS ay nagpapakita na kailangang suriing mabuti ang dugo,” sabi ng Courier-Post Weekly Report on Science and Medicine. “Subalit ang ilang kaso ay maaari pa ring makalusot sa proseso ng pagsusuri sapagkat baka ang isang tao ay mayroon nang virus bago ito madiskubre sa pamamagitan ng isang pagsusuri.”
Dahilan sa gayong mga panganib, ang Center for Bloodless Surgery ay gumagamit ng mga panghalili sa pagsasalin ng dugo, kasali na ang pagbabalik ng sariling dugo ng pasyente—isang pamamaraan na sinasang-ayunan ng ilang Saksi sa ilalim ng ilang kalagayan.a Ang isa pang paraan ay ang paggamit ng mga droga na nagpapabilis sa produksiyon ng dugo ng pasyente. Isa pa, ang isang sintetikong panghalili sa dugo ay maaaring gamitin sa pana-panahon upang pahusayin ang paghahatid ng oksiheno nang hindi na nangangailangan ng isinaling dugo. “Nais ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamagaling na pangangalagang medikal,” sabi ni Dr. Spence, “ngunit ibig nila ng mga panghalili sa pagsasalin.”
Ang mga Saksi ni Jehova ay napasasalamat sa pakikipagtulungan at pagtangkilik ng mga doktor na gumagalang sa kanilang matatag na paniniwalang relihiyoso. Bilang resulta, sila nga’y tumanggap ng “pinakamagaling na pangangalagang medikal” at nakapanatiling may malinis na budhi sa harap ng Diyos na Jehova.—2 Timoteo 1:3.
[Talababa]
a Tinatalakay nang husto ang paraang ito at ang mga salik na nasasangkot sa paggawa ng personal, maingat na pasiya sa Ang Bantayan ng Marso 1, 1989, pahina 30-1.