‘Kung Papaanong ang Bakal ay Nagpapatalas sa Bakal’
SA PAGTATAPOS ng ikatlong siglo C.E., isang taimtim na kabataang nagngangalang Anthony, na inilalarawan bilang isang “Coptic na Kristiyano,” ang lumayo sa daigdig at gumugol ng 20 taon na nag-iisa sa disyerto. Bakit? Siya’y naniwala na ito ang pinakamagaling na paraan upang makapaglingkod siya sa Diyos. Siya ang unang maimpluwensiyang ermitanyo, o taong ligpít, ng Sangkakristiyanuhan.
Sa ngayon, kakaunti ang mga ermitanyo sa Sangkakristiyanuhan. Subalit parami nang parami ang nagbubukod ng sarili sa ibang paraan. Ayaw nilang makipag-usap sa iba tungkol sa relihiyon, sa pag-aakalang ang gayong pakikipag-usap ay humahantong sa pagtatalo at pag-aaway. Ang kanilang pagsamba ay pangunahin nang napapaloob sa di-paggawa ng anumang nakapipinsala sa kanilang kapuwa.
Totoo, ang di-paggawa ng anumang nakapipinsala sa kapuwa ay bahagi ng tunay na relihiyon, ngunit higit pa ang kailangan. Isang sinaunang kawikaan ang nagsabi: “Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal. Ganiyan pinatatalas ng isang tao ang mukha ng iba.” (Kawikaan 27:17) Ang totoo, hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na magtipong sama-sama, huwag lubusang ibukod ang kanilang sarili mula sa sanlibutan o sa iba pang Kristiyano. (Juan 17:14, 15) Sinasabi nito: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon.” (Hebreo 10:24, 25) Ang payong ito ay sinusunod ng mga Saksi ni Jehova. Mga ilang beses sa isang linggo, sila’y nagtitipon upang ‘patalasin ang mukha ng iba,’ na pinatitibay ang pananampalataya ng mga kapananampalataya. Kanilang napatutunayan na ang hayagang pag-uusap tungkol sa Bibliya ay hindi humahantong sa away. Sa halip, iyon ay humahantong sa pagkakaisa at kapayapaan. Iyon ay mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba.