Huwag Magtanim ng Sama ng Loob
WARING isang hamon higit kailanman na huwag magtanim ng sama ng loob kapag may isa na nagkakasala sa atin. Ang Bibliya ay may praktikal na payo para sa gayong mga kalagayan. “Mapoot kayo,” sabi ni apostol Pablo, “gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.”—Efeso 4:26.
Kapag ang isa ay nagkasala sa atin, normal lamang na makadama ng galit. Ang sinabi ni Pablo na “mapoot kayo” ay nagpapahiwatig na ang galit ay maaaring wasto naman kung minsan—marahil bilang tugon sa hindi makatuwirang pagtrato o isang maling paghatol. (Ihambing ang 2 Corinto 11:29.) Subalit kapag hindi napawi, maging ang makatuwirang galit ay maaaring magbunga ng pinsala, anupat aakay sa malubhang pagkakasala. (Genesis 34:1-31; 49:5-7; Awit 106:32, 33) Kaya, ano ang maaari mong gawin kapag napukaw ka sa galit?
Sa maraming kaso na kinasasangkutan ng di-malubhang pagkakasala, maaaring palampasin mo na lamang ang nangyari “at manahimik” o kaya ay lapitan ang nagkasala at pag-usapan ang suliranin. (Awit 4:4; Mateo 5:23, 24) Alinman sa dalawa, makabubuting ayusin agad ang mga bagay-bagay upang ang sama ng loob ay hindi lumaki at magbunga ng malungkot na mga resulta.—Efeso 4:31.
Si Jehova ay malayang nagpapatawad sa ating mga kasalanan, maging sa mga kasalanan na hindi natin inakalang nagawa dahil sa ating kawalang-alam. Hindi ba natin mapatatawad na gaya niyaon ang di-malubhang pagkakasala ng kapuwa?—Colosas 3:13; 1 Pedro 4:8.
Kapansin-pansin, ang Griegong salita para sa “magpatawad” ay literal na nangangahulugang “palampasin.” Ang pagpapatawad ay hindi humihiling na ating maliitin o kunsintihin ang mali. Kung minsan ang kailangan lamang ay palampasin ang sitwasyon, anupat natatanto na ang pagtatanim ng sama ng loob ay magdaragdag lamang sa iyong pasanin at sisira sa pagkakaisa ng Kristiyanong kongregasyon. Karagdagan pa, ang pagtatanim ng sama ng loob ay maaaring magsapanganib ng iyong kalusugan!—Awit 103:9.