Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 1/15 p. 30
  • Isang Legal na Tagumpay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Legal na Tagumpay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 1/15 p. 30

Isang Legal na Tagumpay

NOONG Abril ng 1995, isang mahalagang tagumpay sa hukuman ang napagwagian. Nagsimula ang lahat ng ito noong Enero 28, 1992, nang si Luz Nereida Acevedo Quiles, 24, ay pumasok sa El Buen Pastor Hospital sa Puerto Rico para sa isang di-apurahang operasyon. Nang siya ay pumasok, ipinahayag niya kapuwa sa bibigan at sa sulat na bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, hindi siya magpapasalin ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Ang mga tauhan ng ospital na kasangkot, kasali na ang doktor na gumamot sa kaniya, ay lubusang nakababatid sa kaniyang mga kagustuhan.

Dalawang araw pagkatapos ng kaniyang operasyon, nawalan ng maraming dugo si Luz at nagkaroon ng malubhang anemya dahilan sa pagdurugo. Naniniwala ang tumitingin na manggagamot, si Dr. Jośe Rodríguez Rodríguez, na ang tanging paraan upang matulungan siya ay ang salinan siya ng dugo. Dahil doon, kahit walang kabatiran o pahintulot si Luz, kumuha ang manggagamot ng utos mula sa hukuman upang salinan siya.

Bagaman si Luz ay gising na gising at makapagsasalita para sa kaniyang sarili, iginiit ni Dr. Rodríguez Rodríguez na dahil sa kaselangan ng kalagayan, wala nang panahon para kunin pa ang pahintulot ng sinuman. Ang abogado ng distrito, si Eduardo Pérez Soto, ang pumirma sa porma, at ang hukom ng distrito, ang Kagalang-galang na Ángel Luis Rodríguez Ramos, ang naglabas ng utos ng hukuman para sa pagsasalin ng dugo.

Sa gayon, noong Enero 31, 1992, si Luz ay dinala sa operating room, kung saan siya sinalinan. Sa panahon ng pagsasalin, narinig niyang nagtatawanan ang ilan sa mga tauhan ng ospital. Kinagalitan siya ng iba, anupat sinabi na ang ginagawa sa kaniya ay para sa kaniyang ikabubuti. Nanlaban siya ng buong makakaya niya​—ngunit walang nangyari. Sa katapusan ng araw na iyon, nasalinan si Luz ng apat na unit ng dugo.

Ang kaso ni Luz ay hindi siyang una ni ang huli na kinasasangkutan ng pagsasalin ng dugo at ng mga Saksi ni Jehova sa Puerto Rico. Bago ang kaniyang karanasan, di-kukulangin sa 15 utos mula sa hukuman ang inilabas ukol sa pagsasalin ng dugo na laban sa kagustuhan ng mga may sapat na gulang na Saksi ni Jehova, at marami pa ang inilabas mula noon. Nakalulungkot, sa isang kaso ay isinagawa ang utos ng hukuman, at pinilit na salinan ng dugo ang isang pasyente samantalang siya ay walang malay.

Gayunman, hindi natapos ang pakikipaglaban ni Luz sa operating room. Noong Oktubre 1993 isang paghahabla ang isinampa laban sa Kómonwélt ng Puerto Rico. Ang kaso ay dininig ng Nakatataas na Hukuman, at noong Abril 18, 1995, isang desisyon ang naabot na pabor sa kaniya. Ipinahayag ng hukuman na ang utos na magsalin ng dugo ay “hindi ayon sa konstitusyon at nagkait sa naghahabla ng kaniyang karapatan hinggil sa kalayaan ng pagsamba, ng kaniyang kalayaan sa personal na buhay at pagpapasiya para sa sariling katawan nang hindi idinaan sa legal na paglilitis.”

Ang desisyong ito ay mahalaga, sapagkat ito ang kauna-unahang pagkakataon na isang hukuman sa Puerto Rico ang nagpasiya nang pabor sa mga Saksi ni Jehova sa isang kaso hinggil sa pagsasalin ng dugo. Ang hatol ay nagbunga ng matinding reaksiyon. Isang pagpupulong ng media ang ginanap, anupat nagsidalo ang mga pangunahing mamamahayag sa pahayagan, radyo, at telebisyon.

Nang gabi ring iyon ay isinahimpapawid ng isang programa sa radyo ang isang panayam sa isa sa mga abogado ni Luz. Ang mga tagapakinig ay inanyayahang tumelepono at magtanong. Maraming doktor at mga abogado ang tumawag at nagpahayag ng kanilang pagsang-ayon sa kaso. Sinabi ng isang tumawag: “Hindi pa natiyak ng siyensiya na ang pagsasalin ng dugo ay makapagliligtas ng buhay, at isang kamalian na mag-isip nang gayon.” Sinabi rin niya: “Di-magtatagal, ang pagsasalin ng dugo ay maitatala sa kasaysayan bilang isa sa malulubhang pagkalihis at pagkakamali sa modernong medisina.”

Isang lubhang iginagalang na propesor ng batas ang nang dakong huli ay tumawag sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower at nagpahayag ng kaniyang matinding kasiyahan sa tinatawag niyang “isang umaalingawngaw na tagumpay.” Idinagdag niya na ipinagtatanggol ng desisyon ng hukuman ang mga karapatan sa konstitusyon, hindi lamang ng mga Saksi ni Jehova, kundi ng lahat ng mamamayan ng Puerto Rico.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share