‘Mahalaga Kaya Ako sa Diyos?’
“MAHALAGA Kaya Ako? Nagmamalasakit Kaya ang Diyos?” Ganiyan ang mababasang pamagat ng isang artikulo na lumabas sa Christianity Today. “Malaking bahagi ng aking karera bilang isang manunulat ang umiikot sa suliranin ng kirot,” sabi ni Philip Yancey, ang awtor ng artikulo. “Pabalik-balik ako sa gayunding mga tanong, na para bang sinusundot ng daliri ang isang matagal nang sugat na hindi naghihilom. Nakababalita ako buhat sa mga mambabasa ng aking mga aklat, at ang kanilang nakahahapis na mga kuwento ay nagpapatunay sa aking mga pag-aalinlangan.”
Marahil ay napag-isipan mo rin ang tungkol sa interes ng Diyos sa iyong buhay. Ah, baka pamilyar na sa iyo ang Juan 3:16, na nagsasabing “inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak.” O baka nabasa mo na ang Mateo 20:28, na nagsasabing si Jesus ay naparito upang “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” Subalit maitatanong mo pa rin, ‘Napapansin kaya ako ng Diyos? Nagmamalasakit kaya siya sa akin bilang isang indibiduwal?’ May mabuting dahilan upang maniwala na nagmamalasakit siya, gaya ng makikita natin.