Pasikatin ang Inyong Liwanag!
SA WAKAS ay dumating ang panahon para sa matandang lalaki na makita ang ipinangakong Mesiyas! Sa pamamagitan ng banal na pagsisiwalat ay nalaman ni Simeon na “hindi niya makikita ang kamatayan hanggang sa makita muna niya ang Kristo ni Jehova.” (Lucas 2:26) Subalit tunay ngang kapana-panabik nang pumasok si Simeon sa templo at ilagay nina Maria at Jose ang sanggol na si Jesus sa kaniyang mga bisig! Pinuri niya ang Diyos, na sinasabi: “Ngayon, Soberanong Panginoon, pinayayaon mong malaya ang iyong alipin na nasa kapayapaan . . . sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong paraan ng pagliligtas . . . isang liwanag ukol sa pag-aalis ng talukbong mula sa mga bansa at isang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.”—Lucas 2:27-32; ihambing ang Isaias 42:1-6.
Si Jesus, mula nang mabautismuhan sa edad na 30 hanggang noong kaniyang kamatayan, ay napatunayang isang “liwanag” sa sanlibutan. Sa anu-anong paraan? Pinasikat niya ang espirituwal na liwanag sa pamamagitan ng pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa Kaniyang layunin. Inilantad din niya ang huwad na mga relihiyosong turo at malinaw na ipinakilala ang mga gawa na nauukol sa kadiliman. (Mateo 15:3-9; Galacia 5:19-21) Kaya naman, matuwid lamang na sabihin ni Jesus: “Ako ang liwanag ng sanlibutan.”—Juan 8:12.
Si Jesus ay namatay noong taóng 33 C.E. Napawi ba ang liwanag mula noon? Tiyak na hindi! Nang narito pa sa lupa, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao.” (Mateo 5:16) Alinsunod dito, pagkamatay ni Jesus ay patuloy na pinasikat ng kaniyang mga tagasunod ang liwanag.
Bilang pagtulad kay Jesus, ipinaaaninag ng mga Kristiyano sa ngayon ang liwanag ni Jehova sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pangangaral. Sila’y ‘patuloy na lumalakad gaya ng mga anak ng liwanag,’ anupat pinatutunayan ang kanilang sarili bilang mga nagniningning na halimbawa sa Kristiyanong pamumuhay.—Efeso 5:8.