Humingi ng Tawad ang Dating Hukom—Pagkaraan ng 45 Taon
SA ISANG hukuman sa Berlin, noong Agosto 1995, ipinahayag ng isang dating hukom ng Korte Suprema sa isang Saksi ni Jehova ang kaniyang pagsisisi dahil sa pagkakasalang nagawa niya 45 taon na ang nakararaan.
Noong Oktubre 1950, ang Korte Suprema ng German Democratic Republic (GDR) ay nagdeklara na siyam na Saksi ni Jehova ay nagkasala ng panggugulo at pag-eespiya laban sa estado. Dalawa ang nasintensiyahan ng habang-buhay na pagkabilanggo, at ang nalalabing pito—kasali ang 22-taóng-gulang na si Lothar Hörnig, ang nasasakdal na ikaapat mula sa kanan sa larawan—ay nahatulan ng matagal na pagkabilanggo.
Pagkaraan ng apatnapung taon, ang GDR ay naging bahagi ng Federal Republic of Germany. Sapol noon ay inimbestigahan na ng mga opisyal ang ilang kawalang-katarungan na nagawa sa dating GDR at sinikap na maparusahan yaong mga may pananagutan. Ang isa sa gayong kawalang-katarungan ay ang paglilitis ng Korte Suprema sa mga Saksi noong 1950.
Si A. T., ngayo’y 80 anyos, ay isa sa tatlong hukom na humatol nang litisin ang siyam na Saksi. Palibhasa’y akusado ngayon ng pagpilipit sa katotohanan, siya’y humarap sa Regional Court sa Berlin upang ipaliwanag ang kaniyang naging desisyon.
Sa kaniyang pahayag sa korte, inamin ng dating hukom na hinatulan niya na nagkasala ang mga akusado 45 taon na ang nakalipas, bagaman mas pabor siya sa mas mabababang sentensiya. Subalit pinapag-isip siyang muli ng kaso. Bakit? Pinag-usig ng mga Nazi ang mga Saksi ni Jehova noong ikalawang digmaang pandaigdig dahil tumanggi silang sumuporta kay Hitler. Pagkatapos ng digmaan ay pinag-usig muli ang mga Saksi, ngayon naman ng rehimeng Komunista. Dahil dito ay “lubhang nabagabag” ang hukom.
Sinabi ni Lothar Hörnig sa korte na gumugol siya ng lima at kalahating taon sa bartolina at hindi napalaya buhat sa bilangguan sa Brandenburg hanggang 1959. Nang marinig ang pahayag ni Hörnig, napaluha ang dating hukom. “Ikinalulungkot ko,” ang kaniyang hibik. “Pakisuyong patawarin mo ako.” Tinanggap ni Hörnig ang paghingi ng tawad.—Ihambing ang Lucas 23:34.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Neue Berliner Illustrierte