Isinaalang-alang ng mga Espesyalista ang mga Panghalili sa Dugo
HUMIGIT-KUMULANG 200 espesyalista buhat sa palibot ng Estados Unidos ang nagtipon sa Cleveland, Ohio, noong Sabado, Oktubre 7, 1995, upang talakayin ang isang paksa na nagiging tampulan ng pansin sa larangan ng medisina: walang-dugong paggamot at pag-opera.
Tinalakay ang maraming mahihirap na situwasyon. Halimbawa, paano kung ang pasyente ay may malubhang anemia? Paano gagamutin nang walang dugo ang isang sanggol na isinilang na kulang na kulang pa sa buwan? Maaari bang mag-opera sa puso nang walang pagsasalin? Kapansin-pansin, ang walang-dugong operasyon—karaniwan nang ginagamitan ng mga pamamaraan na tumutulong sa katawan na paramihin ang sarili nitong suplay ng dugo—ay naisagawa na sa ilalim ng ganitong mga kalagayan na may mabubuting resulta.a
Bakit may pangangailangan ukol sa mga panghalili sa pagsasalin ng dugo? “Natutuhan namin na ang pagsasalin ng dugo ay kadalasang naglilipat ng mga sakit, pangunahin na ang hepatitis,” ang sabi ni Sharon Vernon, direktor ng Center for Bloodless Medicine and Surgery sa St. Vincent Charity Hospital sa Cleveland. Nagpatuloy siya: “Kahit na hindi inililipat ng dugo ang isang impeksiyon maaari nitong hadlangan ang panlaban ng katawan sa sakit.” Bagaman ang paglaganap ng AIDS ay bumaba dahil sa pagsasala ng dugo, marami pa ring sakit ang hindi matututop ng gayong mga pagsusuri. At sa kabila ng pangangailangan ng higit pang paghahanda, ang walang-dugong operasyon ay napatunayang matipid para sa mga ospital, yamang inaalis nito ang mga legal na suliranin na maaaring bumangon kapag ang mga pasyente ay nasalinan ng maruming dugo.
Sa mga Saksi ni Jehova, may higit pang mahalagang dahilan para umiwas sa pagsasalin ng dugo: ipinagbabawal ito ng Diyos. (Gawa 15:29) Gayunman, nais pa rin nilang makamit ang pinakamainam na paraan ng paggamot na posible. Kaya naman, sila ay nakikipagtulungan sa mga doktor na nangunguna sa pananaliksik hinggil sa walang-dugong paraan ng paggamot. Ang gayon ay pinakikinabangan hindi lamang ng mga Saksi ni Jehova kundi maging ng mga iba pa na palaisip tungkol sa mga panganib ng pagsasalin ng dugo.
[Talababa]
a Tingnan ang mga labas ng Gumising! na Nobyembre 22, 1993, pahina 24-7, at Enero 22, 1996, pahina 31.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Kuha ni P. Almasy para sa WHO