Isang Magasin na Nakaantig sa Puso
HINDI mabilang na magasin ang inilalathala sa buong daigdig upang masapatan ang pagkagutom ng mga mambabasa sa impormasyon o libangan.
Bakit kakaibang-kakaiba ang magasin na nasa iyong kamay? Ang sumusunod na liham, na natanggap ng tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Alemanya, ay maglalaan ng sagot.
“Maraming-maraming salamat, mahal na mga kapatid, sa inyong pagsisikap at paggawa. Nang kami ng aking dalawang anak na lalaki ay umuwi galing sa pulong, bagaman noon ay 9:30 n.g., ninais kong pakinggan ang pinakabagong Bantayan [sa audiocassette]. Habang hinuhugasan ko ang mga plato, pinakinggan ko ang unang araling artikulo (Abril 1, 1995). Nadama ko na kailangan ko itong pakinggang muli, kaya itinigil ko ang aking trabaho sa kusina at binasa ang artikulo [“Mahalaga Kayo sa Paningin ng Diyos!”] sa Ang Bantayan kasabay ng tape. Nakaantig ito sa aking puso lalo na ang ikaapat at ikalimang parapo. At pagkatapos ay nagsimulang tumulo ang aking luha—subalit sandali lamang. Nagpapasalamat ako kay Jehova na ako ay buhay at kabilang sa kaniyang bayan at na ako, kasama ng marami pang iba, ay maaaring magpakilala ng kaniyang pangalan. Talagang walang dahilan upang makadama ng kawalang-halaga. Ang espiritu ni Jehova ay nasa kaniyang bayan. Nawa ay sama-sama tayong lahat na magbata at manindigang matatag sa pananampalataya. Taglay ang Kristiyanong pagmamahal, ang inyong kapatid sa pananampalataya.”
Ang Bantayan ay nagbibigay ng higit kaysa impormasyon. Nakaaantig ito sa puso ng mga mambabasa at nasasapatan ang kanilang nasa ukol sa espirituwal na pagkain at napapanahong pampatibay-loob. Oo, naglalaan Ang Bantayan ng “pagkain sa tamang panahon.”—Mateo 24:45.