“Sinagot ni Jehova ang Aking mga Panalangin!”
SA BUONG daigdig, nagdaraos ang mga Saksi ni Jehova ng halos limang milyong pantahanang pag-aaral ng Bibliya sa mga tao na interesadong magtamo ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at sa kaniyang kamangha-manghang layunin sa sangkatauhan. Maging ang mga bata na kabilang sa mga Saksi ni Jehova ay nakikibahagi sa gawaing ito. Kuning halimbawa ang batang nagngangalang Joel. Sinagisagan niya ang kaniyang pag-aalay kay Jehova at nabautismuhan sa edad na siyam na taon. Pagkaraan ng isang taon ay nagkaroon siya ng ganitong karanasan:
“Habang nasa ministeryo, nakilala ko ang isang babaing nagngangalang Candy. Inalok ko sa kaniya ang brosyur na ‘Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay.’ Mayroon na siya nito, kaya inalok ko sa kaniya ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Mayroon na rin siya nito. Pagkatapos ay naisip ko, ‘Aalukan ko ang babaing ito ng pag-aaral sa Bibliya.’ Pumayag siya!
“Nakitira kay Candy ang kaniyang kapatid na babae, na mamamatay na dahil sa kanser. Isa pa, si Candy ay nag-aaral upang maging nars. Kaya pansamantala, nahinto ang pag-aaral ng Bibliya. Subalit ipinagpatuloy namin ng aking mga magulang ang pakikipag-ugnayan sa kaniya sa pamamagitan ng pag-iiwan ng mga magasin sa kaniya o sa kaniyang asawang si Dick. Sinabi nito sa amin na inilalagay niya ang mga magasin sa kaniyang higaan at binabasa ang mga ito sa gabi.
“Nang bandang huli, namatay ang kapatid ni Candy. Kinausap namin ng Itay at Inay ko si Candy tungkol sa kalagayan ng mga patay. Ipinasiya niyang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya. Nang ibang araw, itinanong namin kay Dick kung gusto niyang makipag-aral kasama ni Candy at gawin iyon na isang pampamilyang pag-aaral. Naisip niya na magandang ideya iyon. Kaya ngayon, kasama ng aking Itay, nakikipag-aral ako kina Dick at Candy. Mainam ang kanilang pagsulong at nagpapahayag sila ng pagpapahalaga sa pag-aaral ng Bibliya.
“Nanalangin ako na magkaroon ng pag-aaral sa Bibliya, at sinagot ni Jehova ang aking mga panalangin!”