Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 11/1 p. 15
  • Kaaliwan sa Apat na Taon ng Digmaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaaliwan sa Apat na Taon ng Digmaan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 11/1 p. 15

Kaaliwan sa Apat na Taon ng Digmaan

SA APAT na taon ng digmaan sa teritoryo ng dating Yugoslavia, maraming tao ang dumanas ng hirap at matinding kakapusan. Kabilang sa kanila ang daan-daang Saksi ni Jehova, na buong katapatang nagpatuloy sa pagsamba sa “Diyos ng buong kaaliwan.”​—2 Corinto 1:3.

Sa Sarajevo, naragdagan pa ang hirap ng mga tao dahil sa paninirahan sa isang malaking lunsod na kinubkob sa buong panahon ng digmaan. May kakapusan sa kuryente, tubig, panggatong, at pagkain. Paano nakapagpatuloy ang Sarajevo Congregation ng mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng ganitong mahihigpit na kalagayan? Isinapanganib ng mga Kristiyano sa karatig na mga lupain ang kanilang buhay upang makapagpasok ng malaking kargada ng panustos na tulong. (Tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1994, pahina 23-7.) Gayundin, ibinahagi sa isa’t isa ng mga kapatid sa Sarajevo ang anumang taglay nila, anupat ang pangunahing idiniin ay ang pamamahagi ng espirituwal na mga bagay. Sa panahon ng pagkubkob isang Kristiyanong tagapangasiwa sa lunsod na iyan ang nag-ulat:

“Lubhang pinahahalagahan namin ang mga pulong. Kaming mag-asawa, kasama ang 30 katao, ay naglalakad ng 15 kilometro [9 na milya] papunta sa mga pulong. Kung minsan ay ipinatatalastas na magkakaroon ng suplay ng tubig sa panahon na gaganapin ang mga pulong. Ano ang gagawin ng mga kapatid? Mananatili kaya sila sa bahay o dadalo sa mga pulong? Pinili ng ating mga kapatid na dumalo sa mga pulong. Ang mga kapatid ay laging nagtutulungan sa isa’t isa; anumang mayroon sila, ibinabahagi nila. Isang sister sa aming kongregasyon ang nakatira sa labas ng lunsod, malapit sa gubat; kaya mas madali para sa kaniya na kumuha ng panggatong. Nagtatrabaho rin siya sa isang panaderya, at harina ang tinatanggap niyang suweldo. Kapag maaari, gumagawa siya ng malaking tinapay at dinadala iyon sa pulong. Pagkatapos ng pulong, habang papalabas, binibigyan niya ng isang piraso ang bawat isa.

“Mahalaga na walang kapatid ang makadama kailanman na sila ay pinabayaan. Wala sa amin ang nakaalam kung sino ang susunod na mangangailangan ng tulong dahil sa isang mahirap na kalagayan. Nang nababalot ng yelo ang mga kalye at isang sister ang maysakit, inilagay siya ng nakababata at malalakas na kapatid sa isang paragos at hinila iyon upang makarating sa mga pulong.

“Nakikibahagi kaming lahat sa pangangaral, at pinagpala ni Jehova ang aming pagsisikap. Nakita niya ang aming kalunus-lunos na kalagayan sa Bosnia, ngunit pinagpala niya kami ng pagsulong​—pagsulong na hindi namin naranasan bago ang digmaan.”

Gayundin naman, sa ibang bahagi ng dating Yugoslavia na giniyagis ng digmaan, nagtatamasa ng pagsulong ang mga Saksi ni Jehova sa kabila ng matinding kahirapan. Buhat sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Croatia ay ganito ang ulat tungkol sa isang grupo ng mga Saksi: “Totoong napakahirap ng kalagayan ng mga kapatid na nakatira sa Velika Kladuša. Maraming beses na sinalakay ang bayan. Kinailangang ipaliwanag ng mga kapatid ang kanilang neutralidad sa Croatiano, Serbiano, at iba’t ibang hukbong Muslim. Tiyak, marami silang tiniis​—pagkabilanggo, pambubugbog, gutom, panganib ng kamatayan. Gayunpaman, lahat sila ay nanatiling tapat at nagkaroon ng namumukod-tanging pribilehiyo na makitang pinagpapala ni Jehova ang kanilang mga gawain.”

Sa kabila ng mga kahirapang ito, patuloy na sumusulong ang mga Saksi ni Jehova sa Velika Kladuša at sa karatig na Bihać habang masigasig nilang ibinabahagi sa kanilang kapuwa ang nakaaaliw na mensahe ng Diyos. Ang kabuuang bilang na 26 na mamamahayag ng Kaharian sa dalawang lugar na ito ay nagdaraos ng 39 na pantahanang pag-aaral sa Bibliya!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share