“Tayong Lahat ay Kabilang sa Iisang Pamilya”
SA NAKARAANG mga taon ay lumaganap sa buong lupa ang pagtatangi sa relihiyon at lahi. Ang pagkakaiba ng mga lipi ay nagbunsod ng pagpapatayan, pagpapahirap, at iba pang kahiya-hiyang kalupitan. Ayon sa isang report ng Amnesty International, ang paglabag sa mga karapatang pantao ay nagtaboy sa mahigit na 23 milyon katao sa buong daigdig na tumakas mula sa kanilang tahanan noong 1994.
Sa Rwanda lamang, mga 500,000 katao ang pinaslang at mahigit sa 2,000,000 iba pa ang naging mga refugee pagkatapos na sumiklab ang karahasan sa pagitan ng mga Tutsi at mga Hutu. “Lalo nang pinag-usig ang mga Saksi ni Jehova,” ulat ng pahayagan sa Belgium na Le Soir, “dahil sa kanilang pagtangging humawak ng sandata.” Hindi nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa mga armadong alitan. Gayunpaman, daan-daan sa kanila ang napatay sa karahasan. Ipinaaalaala sa atin nito ang mga salita ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sapagkat kayo ay hindi bahagi ng sanlibutan, . . . ang sanlibutan ay napopoot sa inyo.”—Juan 15:19.
Isang pamilyang Saksi—si Eugène Ntabana, ang kaniyang asawa, at dalawang anak—ay nakatira sa kabisera, ang Kigali. Kapag ipinaliliwanag sa kaniyang mga kapitbahay ang tungkol sa Kristiyanong neutralidad, madalas banggitin ni Eugène ang bogonbilya, isang gumagapang na baging na malago sa maiinit na klima.—Mateo 22:21.
“Dito sa Kigali,” ang paliwanag ni Eugène, “ang bogonbilya ay namumulaklak ng kulay pula, rosas, at kung minsan ay puti. Gayunman, lahat ng ito ay kabilang sa iisang pamilya. Gayundin sa mga tao. Bagaman magkakaiba ang ating lahi, kulay ng balat, o liping pinagmulan, tayong lahat ay kabilang sa iisang pamilya, ang pamilya ng tao.”
Nakalulungkot, sa kabila ng kanilang pagiging mapayapa at paninindigang neutral, ang mag-anak na Ntabana ay pinaslang ng isang uhaw-sa-dugong pulutong. Gayunpaman, sila’y namatay na tapat. Makatitiyak tayo na tutuparin ng Diyos na Jehova ang kaniyang pangako sa gayong mga tao, at sila’y bubuhaying-muli upang manahin ang isang sanlibutang doo’y wala nang pagtatangi. (Gawa 24:15) Kung magkagayon, ang mag-anak na Ntabana, kasama ng iba pa, ay “makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.