Muling Pinagtibay ang Karapatan sa may Kabatirang Pahintulot
MULING pinagtibay ng kamakailang pasiya ng Hukom para sa Paunang Imbestigasyon sa Hukuman ng Messina, Italya, na ang mga kahilingan sa paggamot ng isang nasa hustong gulang na pasyente ay dapat igalang ng mga doktor. Ang alituntunin ay ipinalabas sa isang kaso may kinalaman sa isang Saksi ni Jehova.
Noong Enero 1994, si Antonino Stellario Lentini, isang 64-na-taóng-gulang na Saksing may sakit na hemophilia, ay isinugod sa isang ospital sa Taormina, Messina. Sinabi ni Catena, ang kabiyak ni Antonino, sa mga tauhan sa ospital na bilang mga Saksi ni Jehova, siya at ang kaniyang asawa ay hindi papayag sa pagsasalin ng dugo. (Gawa 15:20, 28, 29) Iginalang ang kanilang kahilingan.
Gayunman, nang inililipat sa ibang ospital, si Antonino ay nahirapan sa paghinga at dumating na may malubhang kalagayan. Di-nagtagal pagkaraan, siya ay namatay. Lumung-lumo si Catena, ngunit naaliw siya sa pangako ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli. (Gawa 24:15) Pagkatapos, hindi niya sukat akalain, ang mga mahistrado—marahil nailigaw ng di-wastong balita na ikinalat ng media—ay nagparatang na siya ang may kasalanan sa pagkamatay ng kaniyang asawa dahil sa tinanggihan niya ang paggamot dito na ayon sa mga doktor ay talagang kailangan.
Pagkaraan ng mahigit na isang taon, noong Hulyo 11, 1995, napawalang-sala si Catena, yamang wala siyang nagawang krimen. Sa katunayan, ipinakita ng pahayag ng mga dalubhasa na, kung isasaalang-alang ang kondisyon ng pasyente, wala na ring magiging saysay ang pakikialam ng mga doktor.
Ngunit ipinahiwatig ng mga pangungusap ng hukom kung ano ang pangunahing isyu. Mahirap tanggapin, ayon sa kaniya, ang ideya na ang mga manggagamot ay kailangang makialam kapag ang paggamot ay tinatanggihan ng pasyente o ng mga taong kumakatawan sa kaniya. Sinabi pa niya na ang kodigo sa medikal na tuntuning moral sa Italya ay “patiunang nakakita sa pangangailangan ng may kabatirang pahintulot ng taong nasasangkot bago ang anumang pakikialam.” Samakatuwid, ipinahayag niya na “kaayon ng batas ang paghadlang [ni Catena] na ipasailalim sa gayong operasyon ang kaniyang asawa.”
Muling pinagtibay ng pasiyang ito ang karapatan ng isang nasa hustong gulang na tumanggi sa paggamot na salungat sa kaniyang mga kahilingan.