‘Interesado Silang Tumulong sa Iba’
IYAN ang sinabi ng isang pulis sa New York City tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Ang kausap niya ay si Kathleen, isa sa buong-panahong mga boluntaryong naglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.
Habang nagpapahinga pagkatapos mananghalian, sa isang maalinsangan at maaraw na panahon ng taglagas, naupo si Kathleen sa isang bangko sa Promenade na nasa di-kalayuan. Nakikinig siya sa isang audiocassette player sa pamamagitan ng headphones. Sa isang paliparan ng mga helikopter sa kabila ng East River, may mga ginagawang paghahanda para sa pag-alis ng papa, na dumadalaw noon sa lunsod. Mahigpit ang seguridad saanman, at maraming pulis ang nagpapatrulya sa Promenade. Isa sa kanila ang lumapit kay Kathleen at nagtanong kung ano ang ginagawa niya. Sumagot si Kathleen: “Nakikinig ako sa isang tape sa wikang Ruso. Alam ninyo, isa ako sa mga Saksi ni Jehova, at ibig kong matuto ng Ruso upang maibahagi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga taong nagsasalita ng Ruso na pumunta rito upang manirahan sa lunsod.”
Tumugon ang pulis na unti-unti niyang hinangaan ang mga Saksi ni Jehova sa nakalipas na 15 taon ng kaniyang pagiging pulis sa New York City. Sinabi niya: “Itinuturing kong isang organisadong relihiyon ang mga Saksi ni Jehova na ang mga miyembro ay totoong interesadong tumulong sa iba sa komunidad.”
Ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa buong daigdig dahil sa kanilang gawaing pangangaral sa bahay-bahay. (Gawa 20:20) Samantalang itinuturo nila ang Kaharian ng Diyos bilang siyang tanging lunas sa mga suliranin na sumasalot sa sangkatauhan, tinutulungan din nila ang mga tao na pasulungin ang kalidad ng kanilang buhay sa pamamagitan ng pagpapasigla sa kanila na ikapit ang mga simulain ng Bibliya sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Halimbawa, hinihimok ng mga Saksi ang mga magulang na maglaan ng isang kapaligiran sa tahanan na kaayaaya sa pag-aaral. Pinapayuhan nila ang mga indibiduwal na maging tapat at masunurin sa batas, anupat pinasisigla silang maglinang ng mga kasanayan at mga katangiang pahahalagahan ng mga nagpapatrabaho.
Oo, interesadong-interesado ang mga Saksi ni Jehova na tumulong sa mga tao sa pamayanan upang pasulungin ang kanilang buhay. Ikaw ay malugod na inaanyayahang tumugon sa sumusunod na alok.