Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 12/15 p. 20-21
  • “Kaya Nasaan ang Inyong Simbahan?”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Kaya Nasaan ang Inyong Simbahan?”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 12/15 p. 20-21

“Kaya Nasaan ang Inyong Simbahan?”

MADALAS itong itanong sa mga Saksi ni Jehova sa Mozambique. Ang totoo, hindi pa natatagalan nang ito ay isang tanong na mahirap sagutin. Ito ay dahil sa hindi legal na kinikilala ang mga Saksi ni Jehova sa bansang ito hanggang noong 1991. Kaya naman hindi posible na magkaroon ng madaling makilala at pirmihang mga dako ng pagsamba.

Gayunpaman, nagbago ang situwasyong iyan noong Pebrero 19, 1994. Sa mainit at maaraw na maghapong iyon, inialay ang unang dalawang Kingdom Hall na itinayo sa Mozambique. May kabuuang 602 ang dumalo nang ialay ang maiinam na dakong pulungang ito na naroon sa daungang lunsod ng Beira, sa gawing gitna ng kahabaan ng baybayin ng Mozambique. Ang mga ito ay gagamitin ng tatlong kongregasyon sa lunsod na iyon.

Ang buong proyekto, mula nang ilatag ang pundasyon hanggang sa matapos ang mga gusali, ay gumugol ng isang taon at dalawang buwan ng puspusang paggawa. Madalas ay 30 o higit pang boluntaryo ang dumarating buhat sa karatig na Zimbabwe at nagtatrabaho nang balikatan kasama ng mga Saksi sa lugar na iyon. Yamang hindi lahat sa kanila ay maaaring manuluyan sa tahanang misyonero sa Beira, na siyang nagsilbing sentro ng pangangasiwa sa gawain, nagkakampo ang ilan sa palibot ng tahanan tuwing dulong sanlinggo at kung minsan ay nang ilang linggo.

Ang lugar ng Kingdom Hall para sa Massamba at Munhava Congregation ay naroroon sa pangunahing lansangan ng Beira. “Sa isang magawaing araw, nang ang trabaho ay mabilis at kitang-kita ang pagsulong,” ang sabi ng isang misyonero, “nakakita kami ng nagmumuntikang mga aksidente dahil sa napapatitig sa Kingdom Hall ang mga dumaraang drayber, anupat halos nalilimutan ang kanilang mga manibela.” Tumigil pa nga ang marami upang tingnan ang gawain, at totoong humanga sila sa pagkanaroroon ng iba’t ibang lahi na gumagawang magkakasama na parang iisa.

Puspusang pagpaplano at pag-oorganisa ang kasangkot. Di-tulad ng ibang proyekto sa bahaging ito ng daigdig, kung saan kakaunti ang mga materyales at mapagkukunan, hindi kailanman huminto ang gawain sa mga Kingdom Hall dahil sa kawalan ng mga suplay. Minsan, kailangan ang 800 sako ng semento, at ang tanging lugar na makapagsusuplay nito ay walang sako na kailangan upang mailulan ang semento. Nakipag-alam ang mga kapatid sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa kabisera, ang Maputo; nagpadala ng mga sako sa pamamagitan ng eroplano, dinala sa pabrika ng semento, at nilamnan. Nagpatuloy ang trabaho nang walang pagkabalam.

Sa isa pang pagkakataon, nang inilalagay ang mga sepo ng bubong, naubusan ng bigang bakal ang mga manggagawa. Dahil sa salat na salat, ang bakal para sa proyekto ay inangkat mula sa layong 600 kilometro! Isang nagmamasid na lalaki ang nilapitan ng isa sa mga manggagawa at tinanong kung alam niya kung saan sila makahahanap ng bakal upang makumpleto ang gawain. Sumagot ang lalaki: “May isang oras na akong nakatayo rito, at tiyak na hindi lamang ito nagkataon. Hindi ko magawang hindi hangaan ang inyong gawain at ang kasiglahan sa proyektong ito. Mayroon akong bakal na kailangan ninyo, at kagalakan ko na ibigay ito sa inyo bilang regalo.” Tamang-tama ang paglalaang iyon.

Maraming nagmamasid ang nag-iisip kung anong malaking kompanya sa konstruksiyon ang nangangasiwa sa proyekto. Sabihin pa, laking kagalakan ng mga manggagawa na sabihin sa kanila na ang mga ito ay mga Saksi ni Jehova na boluntaryong naglilingkod. Ano ang lalo nang hinangaan ng mga nagmamasid? “Kayo ay nagkakaisang bayan,” sabi ng isa. “Bagaman may iba’t ibang lahi, gumagawa kayong magkakasama bilang magkakapatid.” Ang resulta ay marami ang pumaroon na humihiling ng pag-aaral sa Bibliya. Nagkaroon din ito ng epekto sa mga pulong. Halimbawa, ang aberids na dumadalo sa pulong ng Manga Congregation ay humigit pa sa doble ng bilang ng mga Saksi.

Ang mga bagong Kingdom Hall ay talagang napatunayang malaking pagpapala para sa mga Saksi sa lugar na iyon. Ang karamihan ay nagtitipon noon sa mga sinaunang bahay-pulungan na may bubong na yari sa damo o ilang piraso ng lata na pinakabubong, sa likod-bahay, o sa maliit na silid ng isang pribadong bahay. Madalas silang mabasa kapag umuulan; sa kabila nito ay may-katapatan silang dumadalo sa mga pulong. Sa loob ng mga dekada ay ito lamang ang mga “Kingdom Hall” na alam ng mga Saksi sa Mozambique. Ganito ang ipinahayag ni Brother Caetano Gabriel, isang matanda sa Massamba Congregation: “Nagpapasalamat kami sa ating mga kapatid sa buong daigdig na nag-abuloy upang maisakatuparan ang proyektong ito.” Ganito ang nagunita ng isang kabataang Saksi: “Nang kami ay nasa Carico (mga “reeducation camp” kung saan ipiniit ang mga Saksi ni Jehova sa loob halos ng 12 taon), karaniwang sinasabi namin, ‘May katapatan tayong magtitiyaga, at gagantimpalaan tayo ni Jehova.’ Ang bagong Kingdom Hall ay isang gantimpala mula kay Jehova.” Ipinahahayag ng kanilang pananalita ang kanilang taos-pusong pagpapasalamat at determinasyong purihin si Jehova.

Maraming kabataan na lumahok sa gawaing pagtatayo ang nahawa sa espiritu ng pagpapayunir at pagkatapos ay pumasok sa paglilingkuran bilang regular pioneer. Ganito ang sinabi ng kabataang si Isabel, isang regular pioneer sa Manga Congregation, habang tinitingnan ang napakalinis na Kingdom Hall nang araw bago ito ialay: “Para sa akin ay ito ang pinakamagandang lugar sa lunsod ng Beira. Napakalaking kasiyahan para sa akin ang pagkanaririto.” Ipinaliwanag ni Adão Costa, isang misyonero, na napakamatulungin ng mga awtoridad sa lugar na iyon sa pagpapahintulot ng pantanging kaayusan sa pag-aangkat dahil sa batid nila ang pagkamatapat ng mga Saksi. Pagkatapos ay idinagdag niya: “Bagaman napagod kami nang husto, isang kagalakan na makita ang mga bunga ng lahat ng gawaing ito sa ikararangal at ikaluluwalhati ni Jehova.”

Ngayon, kailanma’t itinatanong ng isang palakaibigang mamamayan ng lunsod ng Beira, “Kaya nasaan ang inyong simbahan?” itinuturo siya ng mga Saksi sa isa sa dalawang bagong Kingdom Hall at sumasagot ng, “Iyon ay nasa International Road, Avenida Acordo de Lusaka, sa mismong tapat ng Fourth Squadron Police Station.” Pagkatapos, isinususog ang isang pagtutuwid, “Lamang ay hindi iyon isang simbahan. Iyon ay isang Kingdom Hall!”

[Mapa/Mga Larawan sa pahina 20]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

APRIKA

MOZAMBIQUE

Beira

Maputo

[Credit Line]

Mapa: Mountain High Maps® Karapatang-sipi © 1995 Digital Wisdom, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share